NANGANGANIB na bumagsak ang industriya ng saging sa bansa dahil umano sa pagtatangka ng kampo ni Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib na isama sa natapos na nationwide road clearing operation ang mga plantasyon ng saging sa lalawigan, partikular ang Tagum Agricultural Development Company (TADECO).
Ang TADECO ay ipinundar ng pamilya ni dating Cong. Antonio ‘Tonyboy’ Floirendo Jr. batay sa isang long-term lease agreement sa Bureau of Corrections (Bucor) at isa na ngayon sa pangunahing tagapagluwas ng bansa ng ‘Cavendish banana’ sa buong mundo.
Nabatid na bagaman nagtapos na noon pang Setyembre 30 ang 60-araw na itinakda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa road clearing, balak pa rin umanong linisin ng kampo ni Jubahib sa mga ‘ obstruction’ ang mga pribadong kalsada ng TADECO sa Panabo, kasama na ang ‘biosecurity facilities’ nito bago pumasok sa plantasyon.
Ang mga pasilidad na umano’y gustong alisin ni Gov. Jubahib ay matatagpuan sa Brgy. Tanglaw, Dujali; El Canto Road, Brgy. Balagunan; at Bugtong Lubi Road, Brgy. Bobongan, na matatagpuan sa Davao del Norte.
Ang nasabing mga pasilidad na may ‘tire dips’ para sa mga sasakyan at mga ‘footbath’ para sa publiko ay kailangan upang maiwasan ang pag-atake sa mga tanim na saging ng ‘fusarium wilt’ na mas kilala bilang ‘Panama Disease’.
Ayon kay Atty. Nick Banga, chief legal officer ng TADECO, hindi dapat idinadamay ng kampo ni Jubahib ang industriya ng saging sa road clearing na nagtapos na rin noong isang buwan.
“Kung iniisip nila na TADECO lang ang apektado sakaling umatake ang Panama Disease, nagkakamali sila. Mabilis itong kumalat at malaki ang posibilidad na madamay ang buong industriya ng saging sa buong rehiyon ng Davao,” babala pa ni Banga.
Ang Davao del Norte ay binansagang ‘Banana Capital’ ng Filipinas bilang sentro plantasyon ng saging na pinangungunahan ng TADECO.
Sa panig naman ng DILG, muling nilinaw ni Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya na hindi kasama sa Memorandum Circular 2019-121 ang ‘road expansion’ at mga pribadong kalsada sa mga plantasyon katulad ng TADECO.
“Kung sino man ang gumagawa niyan (panghihimasok sa TADECO), hindi nila puwedeng gamitin ang MC 121,” ani Malaya.
Binigyang-diin pa ni Malaya na sa pagtatapos ng road clearing noong isang buwan, pag-aasikaso (sustainment) na lang sa mga nalinis na pampublikong kalsada ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga local government units (LGUs).
Sa kasagsagan ng nationwide clearing operation noong Setyembre 19, nilinaw rin ni DILG Secretary Eduardo M. Año na hindi puwedeng gamiting batayan ang MC 121 para sa mga ‘road expansion’ at panghihimasok sa mga pribadong kalsada.