(Kapag naging VAT-free) PRESYO NG GAMOT BABABA PA

gamot

HIGIT na mapabababa ng pamahalaan ang presyo ng gamot na bibilhin ng tingi o pakyawan kung walang value added tax (VAT) ang pagbebenta at pag-import sa mga ito.

Ito ang binigyang-diin ni Senadora Imee Marcos kasunod ng pag­lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ­Executive Order No. 104 na naglalagay ng price cap sa 133 gamot.

Ayon kay Marcos, mas mapapalawig ang 56% na discount sa gamot dahil mismong mga pharmaceutical company ang nagpahayag na hanggang 75% ang  kaya nilang ialok na price discount bago pa lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing  batas.

Aniya, lumalabas din sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mahigit sa kalahati ng P413 billion na ginastos ng mga Filipino noong 2018 para sa kanilang pagpapagamot ang napunta sa pharmaceutical companies.

Pagbubunyag ni Marcos, sa pagtaya ng Department of Health (DOH), umaabot sa halos 22 beses na mas mataas ang presyo ng mga branded na gamot sa bansa, lalo na sa mga ibinebenta sa mga pribadong ospital at pharmacies, kumpara sa ibang mga bansa.

Ang panukala ni Marcos na ibaba ang presyo ng mga gamot ay bilang pagtupad sa kanyang pangako sa kanyang election campaign at ngayo’y isa nang probisyon sa Republic Act 11467 o ang tinatawag na sin tax law.

Ang VAT exemption ay base sa Senate Bills 218 at 219 ni Marcos na epektibo nitong Enero para sa mga gamot sa diabetes, high cholesterol, at hypertension, at nakatakda namang ipatupad sa Enero 2023 ang para sa mga gamot sa cancer, mental illness, tuberculosis, at sakit sa bato.

Nanindigan si Marcos na ang murang ­presyo ng mga gamot ang pinakamabilis na paraan para matulungan ang mga may sakit, habang hinihintay pa ang masalimuot na pagpapatupad sa panukalang Universal Health Care Program ng gobyerno.

“Matagal pa bago maisaayos at mapalawak ang PhilHealth, at kailan pa kaya mawawala ang katiwalian at expired meds sa bodega ng DOH? Pero kung mai­baba natin ang presyo ng gamot, agad-agad tayong makatutulong sa mga may sakit,” giit ni Marcos.

“Ngayong taon na magkakabisa ang Universal Health Care Law kaya talagang kailangan na ng murang gamot. Now na!” dadag pa ni Marcos. VICKY CERVALES

Comments are closed.