POSIBLENG maharap sa kaparusahan si Cebu Governor Gwen Garcia sakaling ang kanyang bagong Executive Order (EO) ay magdulot ng panibagong surge ng COVID-19 cases sa kanilang lalawigan.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año kaugnay sa naturang EO ni Garcia na alisin na ang mandatory use ng anti-COVID-19 masks sa mga open space sa lalawigan na walang legal na basehan dahil wala existing national policy o issuance na sumusuporta rito.
Ipinaliwanag ng kalihim, ang isang executive order ay kailangang may legal basis at hindi maaaring ito’y basta’t naisip at gusto lamang ipatupad ng isang lokal na opisyal.
“’Yung executive order na ini-issue ni Governor Gwen Garcia is considered to be defective kasi it does not have any legal basis. It does not implement or interpret an existing national law, or even a provincial ordinance. Contradictory din ito sa national government issuances, like mga executive order, (EO) 1218, placing the country under a state of calamity from September 13, 2021 to September 12, 2022, and also contrary sa guidelines ng nationwide implementation ng Alert Level System for COVID-19 Response,” paliwanag ni Año.
Sinabi pa ng DILG chief na hindi maaaring iaplay sa sitwasyong ito ang Local Government Code at idinagdag na, “Hindi puwede na sabihin mo, ah sabi sa Local Government Code, autonomous kami. ‘Di nagkanya-kanyang republic na ‘yung ating mga probinsya at mga cities. That was not the intent of the Constitution and the law.”
Babala ng kalihim, sakaling ang kautusan ni Garcia ay magresulta sa pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Cebu ay tiyak na mahaharap ito sa kaukulang kaso sa Office of the Ombudsman.
Dagdag pa ng DILG chief, sakaling makasuhan at mapatunayang nagkasala, maaaring masuspinde si Garcia, pagmultahin at permanente nang madiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno. EVELYN GARCIA