INIHAYAG ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging ng Philippine National Police (PNP) na handa ang kanilang puwersa sakaling ipag- utos ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ( IATF) na magpatupad muli ng hard lockdown bunsod ng peligrong pagpasok sa bansa at pagkalat ng Omicron, isang COVID-19 variant.
Inihayag ni PNP chief General Dionardo Carlos na handa rin silang tumulong sakaling ipatupad ng National Task Force Against COVID-19 ang muling paggamit ng face shield na pinag-aaralan na rin ngayon ng Department of Health (DOH) bunsod ng banta ng bagong Omicron strain.
Ayon kay PNP Chief, tanging nakikita lamang nilang magiging pagbabago sa mga ipatutupad na hakbangin ay ang pagdagsa ng mga tao bunsod ng nalalapit na campaign period kung saan inaasahan ang pagsasalimbayan ng mga kandidato at mga taga suporta sa maraming lansangan sa buong bansa.
Subalit, kung titingnan ay mayroon na silang mga templates na ilalatag na lamang gaya ginawa noong implementa ang pinaka istriktong quarantine measures sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sakaling makalusot umano ang pinangangambahang Omicron variant ay possible umanong makipag ugnayan din sila sa Commission on Election para rebisahin ang kanilang mga campaign guidelines dahil sa inaasahan ng pagdagsa ng mga tao sa lansangan para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Roderick Augustus Alba, sa ngayon ay nakikipag-coordinate na rin ang PNP sa mga iba’t ibang ahensiya na nagbabantay ng entry points ng bansa.
Nauna nang inihayag ni COVID-19 Vaccine Czar, OPAP Secretary Carllito Galvez na pinag-aaralan na rin ng national government ang muling pag-oobliga sa publiko nang pagsusuot ng face shields dahil sa banta ng COVID-19 Omicron variant.
Ayon kay Galvez tinitingnan nila sa ngayon ang posibilidad ng hakbang na ito gayong si Health Secretary Francisco Duque ay pabor dito alinsunod sa pahayag ng ilang taga-World Health Organization na kaya nagkaroon ng magandang resulta sa Pilipinas sa kasagsagan ng banta ng Delta.
VERLIN RUIZ/ REA SARMIENTO