(Kapag patuloy na tumaas ang global oil prices) PRESYO NG LPG PAPALO SA P1,300

lpg

POSIBLENG umabot sa P119.53 per liter o P1,314 per 11 kilogram cylinder ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa bansa kapag patuloy na tumaas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr. na mangyayari ito kapag ang presyo ng langis sa Dubai ay umabot sa $140 per barrel. Sa $120 per barrel, ang presyo ng LPG ay nasa P106.38 per liter habang sa $130 per barrel,  ang LPG prices ay inaasahang aabot sa  P112.95 per liter.

Ayon sa website ng DOE, ang kasalukuyang presyo ng kada  11-kilogram na tangke ng LPG ay naglalaro sa P880.45 hanggang 1140.00 o P80.04 hanggang 103.63 kada litro hanggang March 2022.

Samantala, sinabi ni Erguiza na inaasahang aabot ang presyo ng gasolina sa P86.72 kada litro,  diesel sa P81.10 kada litro, at kerosene sa P80.50 kada litro kapag ang global oil prices ay pumalo sa  $140 per barrel.

Nauna nang sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na ang presyo ng gasolina ay maaaring pumalo sa P100 kada litro depende sa magiging pagtaas sa pandaigdigang merkado.

Sa kabila ng pagtaas ng presyo, tiniyak ni Erguiza na may sapat na supply ng langis sa bansa.

“We want to assure the public that our supply is sufficient and what is really the problem is the cost of fuel,” aniya.