TARGET ng lokal na pamahalaan ng Maynila na mabakunahan bawat araw ang may 18,000 katao o katumbas ng 540,000 isang buwan sa sandaling umusad na ang mga vaccination program sa kabisera ng bansa.
Ito ang nais ni Mayor Isko Moreno na sa ngayon ay may 18 sites na ang pagdarausan ng vaccination program at nakatakda rin makipagpulong sa mga opisyal ng Simbahan Katoliko para sa posibleng paggamit ng kanilang pasilidad.
Plano ng lokal na pamahalaan na bigyan ng schedule ang mga residente para limitado lamang ang tao sa pasilidad para masunod ang minimum health protocol.
Kaugnay nito,sinabi ni Moreno na naging masaya siya sa isinagawang mass simulation kung saan 1,000 katao ang nakilahok sa simulation na ginawa sa Isabelo Delos Reyes Elementary School sa Tondo.
Layon ng simulation na magkaroon ng pamilyarisasyon ang mga health worker at maiayos ang mga posibleng problema kapag nagkaroon na ng aktuwal na pagbabakuna.
Nalaman na bukod sa MHD, may 10,000 Manila public school teachers ang tutulong sa panahon ng pagbabakuna.
“What we are going to do is to address immediately the highly infected and affected area for purposes of hopefully achieving, in a matter of time, the goal of having herd immunity,”dagdag ni Moreno.
Nabatid na maging ang mga pribadong kumpanya at private medical schools sa lungsod ay tutulong din sa vaccination program para sa karagdagang professional resources.
Samantala,sinabi ni Moreno na prayoridad nila na mabigyan ng bakuna ang medical health workers at iba pang frontliners sa lungsod na kung saan ay mayroon ng 78,000 na nagparehistro para sa bakuna mula pa nito Enero 1. VERLIN RUIZ
Comments are closed.