NITONG Lunes, isinumite natin sa Senado ang ating first 20 bills sa pagsisimula ng 19th Congress at nangunguna sa mga panukala nating ito ang pagpapataas sa minimum salary grade ng mga guro.
Kung sa kasalukuyan, ang salary grade entry ay nasasailalim sa SG 11, ipinapanukala nating gawin itong Salary Grade 19.
Layunin natin dito na gawing interesante sa mga guro sa mga pampublikong paaralan ang pagtuturo at maging tulay sila para sa isang maaasahan at dekalidad na edukasyon para sa ating mga estudyante sa public schools.
Alam naman nating lahat, kabilang ang public school teachers natin sa mga manggagawang tumatanggap ng mababang pasahod. Napakababa ng suweldo pero tambak ang mga trabaho na nagiging dahilan ng kanilang stress.
Tinatawag natin silang pangalawang magulang ng ating mga anak, tagapaglinang ng kanilang kaalaman, pero pagdating sa usapan ng suweldo, parang napapabayaan sila ng gobyerno.
Bukod sa panukala nating ‘yan, isinumite rin natin ang isang panukala na lilikha sa Teacher Education for Achievers (TEACH) program. Nilalayon naman natin dito na magkaroon tayo ng mga well-trained teaching workforce. Sa pamamagitan ng programang ito, mabibigyan ng scholarships ang mga nagnanais na magkamit ng Education degree o sumailalim sa mga pagsasanay na may kinalaman sa edukasyon.
Kasama rin sa mga filed bills natin ang panukalang Teaching Supplies Allowance Act para mapataas ang tinatanggap na allowance ng ating mga guro.
Kung sa ngayon ay P3,500 ang natatanggap na allowance ng kada guro, gagawin natin itong P5,000 per school year. Sabi nga natin, isa ang mga guro sa mga dumaranas ng krisis sa pinansiyal kahit pa kandakuba sila sa pagtratrabaho, kaya sa munting paraan na ito, sana ay makatulong sa kanila.
Patuloy ang mga pagsusulong natin ng iba’t ibang repormang pang-edukasyon dahil isa sa ating mga adhikain na maiangat ang antas ng Philippine education, kasabay ang paniniguro sa kapakanan ng mga mag-aaral at mga guro.