TINIYAK ni Senador Christopher “Bong” Go na rerespetuhin niya ang anumang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte pag-dating sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Filipinas at ng Estados Unidos.
Sinabi ni Go na bilang chief architect ng foreign policy ng bansa, ang pangulo ay may prerogative na gumawa ng naturang desisyon para sa Pilipinas, na isa aniyang ‘sovereign’ at ‘independent country.’
“Alam mo, nirerespeto ko po ang…desisyon ng ating Pangulo as the Chief Architect of our foreign policy. Sovereign country naman po tayo and independent country ang Pilipinas,” pahayag ni Go, sa groundbreaking ceremony ng Northeastern Misamis General Hospital sa Villanueva, Misamis Oriental.
Tiniyak pa ng senador sa lahat ng Pinoy na ang tanging pinahahalagahan lamang ng pangulo ay ang national interest ng bansa at kapakanan ng lahat ng mamamayan.
“So, kung ano po ‘yung desisyon ng ating Pangulo, hindi naman po ibig sabihin ay maniningil ang Presidente. Kung ano lang po ang tama na kompensasyon para sa Pilipino,” paliwanag pa ni Go.
“At alam ninyo… para sa amin ni Pangulong Duterte, interes po at kapakanan ng bawat Pilipino ang mangunguna parati sa magiging desisyon natin para sa ating bayan,” dagdag pa niya.
Siniguro rin naman ng senador na hindi papayag ang Pangulo na maagrabiyado ang mga Pinoy.
“At hindi kami papayag na ma-agrabyado po ang Pilipino sa anumang kasunduan. So, interest of the Filipino people, always po ‘yan priority namin ni Pangulong Duterte,” aniya pa.
Matatandaang una nang sinabi ni Pang. Duterte na kung nais ng Estados Unidos na matuloy ang PH-US VFA ay dapat na magbigay ito ng kompensasyon sa bansa. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.