KAPAKANAN NG PINOY OLYMPIANS, ATHLETES ISUSULONG SA KAMARA

Eric Buhain

ALAM halos ni Eric Buhain kung ano ang problema ng Philippine Sports.

Bilang dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) at Games and Amusements Board (GAB) napagdaanan ng dating Olympian, SEA Games record holder at Philippine Sports Hall of Famer ang pagharap sa hinaing ng mga atleta mula sa allowances at pangigipit ng mga opisyal.

Ngayon bilang mambabatas matapos mahalal na kongrerista ng 1st District ng Batangas, tangan ang buong kaalaman at karanasan, ipinahayag ni Buhain ang pagsusulong ng tatlong panukalang batas na magpapalakas sa kapangyarihan ng PSC at GAB sa aspeto ng pangangasiwa at pananagutan sa mga nasasakupang asosasyon, habang tinitiyak ang seguridad at karagdagang mga insentibo sa mga atleta at coach.

“Ang isports ay karapatan ng bawat Pilipino at hindi isang pribilehiyo para sa ilang indibidwal o grupo. Hindi para sa mga miyembro lamang o club affiliation lamang. Kailangan nating mabigyan ng tunay na pagkalinga ang ating mga atleta at pananagutin ang mga sports association na talagang nagpapabaya sa kanilang mga responsibilidad,” pahayag ni Buhain sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa Behrouz Restaurant sa Timog, Quezon City.

“Nagpapasalamat ako sa aking mga kasamahan sa Kongreso at nabigyan ako ng pagkakataon na maging co-chairman ng Youth and Sports as well as the Games and Amusements Committee. Right now, with the help of my former collegues, sportsmen and friends, nabuo namin itong three priority bills na ipo-propsose ko sa Kongreso,” sambit ni Buhain sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng PSC, GAB, PAGCOR aT Behrouz, ang official venue ng TOPS.

Sinabi ni Buhain na isusulong niyang muli ang House Bill 8910 (An Act to Strengthening the Games and Amusements Board) na may pangunahing layunin na magtatag ng ‘Athelete’s Welfare Fund’ para sa mga retiradong propesyonal na atleta. Ang nasabing panukala ay naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng 17th Congress noong 2019.

Ang karagdagang kapangyarihan sa National Sports Associations (NSAs) sa pamamagitan ng pag-amyenda ay ang pangalawang priority bill ni Buhain, at ang pangatlo ay ang Philippine Olympian Bill na nabuo sa pakikipagtalastasan ng dating kampeon sa swimming sa tulong ng kapwa Olympian na sina Akiko Thompson, Ral Rosario at mentor at isa pang Olympian na si coach Carlos ‘Pinky’ Brosas.

Sinabi ni Brosas, kasama ni Buhain sa forum, na panahon na para magbigay ng higit na suporta sa Filipino Olympian, partikular sa mga nagretiro na walang permanenteng trabaho at ipon.

“Health care, pension and possibly regular job for our retired Olympian. Ilan lang ang Olympian natin nasa 300 lang yata kami at marami na ang nawala, just last night we received the sad news of Diay’s demise,” sambit ni Brosas, patungkol sa pagpanaw ni dating Olympian at Asia’s Sprint Queen Lydia De Vega Miyerkoles ng gabi dahil sa cancer.

Tiwala si Buhain na makakakuha ng sapat na suporta mula sa mga kasamahan sa Kongreso ang kanyang mga panukalang batas sa sandaling maihain niya ang mga ito sa mga susunod na araw.

EDWIN ROLLON