DIRINGGIN ngayong umaga (Oktubre 12) sa Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 150 ang Omnibus Motion for Reconsideration na inihain ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV na naglalayong ibasura ang naunang kautusan nito na nag-isyu ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban sa kanya.
Dakong alas-9:00 ng umaga ay gaganapin ang pagdinig sa apela ni Trillanes upang alamin kung pagbibigyan o hindi ito ng korte.
Nabatid na nasa 20 pahinang motion ang inihain ng kampo ni Trillanes noong Oktubre 1, ayon sa mga staff ni Makati City RTC, Branch 150 Judge Elmo Alameda.
Nakasaad sa motion ni Trillanes na magtakda ang korte ng pagdinig para maiprisinta nila ang kanilang mga ebidensiya.
Matatandaan, na noong Setyembre 25 ay kinatigan ni Judge Alameda ang mosyong inihain ng Department Of Justice (DOJ) hinggil sa kasong rebellion na kinakaharap ng senador at ito ay naisyuhan ng warrant of arrest at HDO na may piyansang halagang P200,000.00 para sa pansamantalang paglaya nito.
Si Trillanes ay kinasuhan ng DOJ ng rebelyon matapos itong masangkot sa Manila Peninsula Hotel Siege sa Makati City noong 2007.
Samantala, patuloy pa ring pinag-aaralan ni Makati City RTC, Branch 148 Judge Andres Soriano ang isinumiteng mga ebidensiya ng kampo ni Trillanes.
Ayon kay Atty. Ma. Rodora Peralta, clerk of court ng naturang sala, depende pa aniya kay Soriano kung tatanggapin ang mga ebidensiya na maaaring pagbasehan naman ng desisyon nito sa mosyon ng kampo ng DOJ na humihiling na mag-isyu ng alyas warrant of arrest at HDO laban sa senador.
Saka pa lamang reresolbahin ang hiling naman ng DOJ sakaling matapos na ni Soriano at maresolba ang formal offer of evidence na isinumite ng kampo ng senador.
Sinabi pa kahapon ni Soriano na hindi pa nito masasabi ang eksaktong petsa kung kailan sila maglalabas ng desisyon hinggil sa naturang kaso.
Si Soriano ang may hawak sa kasong kudeta ng senador hinggil naman sa Okwood mutiny na naganap noong 2003. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.