NAGTALAGA ng 552 mga pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa loob ng New Bilibid Prison bilang kapalit ng may 300 jail officers ng Bureau of Correction (BuCor) na sinibak sa tungkulin para matigil umano ang iregularidad sa loob ng bilangguan.
Ayon kay NCRPO chief, Major General Guillermo Eleazar, ang pangtanggal sa may 300 jail officers ng NBP ay bilang bahagi ng pinaiiral nilang “internal cleansing” kasunod nang pumutok na kontrobersiya sa umano’y “special treatment” sa mga may perang bilanggo at patuloy na pag-o-operate ng mga drug lord na nakakulong.
“Director-Gerald Bantag has asked for assistance because he is looking for personnel he could trust. That is why we decided to extend help by providing him with the initial manpower he wants to secure the NBP since the location of the NBP is within the jurisdiction of NCRPO,” pahayag ni Eleazar.
Inihayag din ni Eleazar na ang mga tinanggal na jail officer ay isasailalim din sa imbestigasyon sa posible nilang kaugnayan sa operasyon ng ilegal na droga at iba pang anomalya sa Bilibid.
Pahayag pa ni Eleazar na ang mga nakatalaga sa ‘maximum security compound’ na jailguards ang unang tinanggal habang isusunod din ang paglilinis sa medium at minimum security compounds.
Nakatakda ring sumailalim sa pagsasanay at ‘refresher’ ang mga tauhan ng NCRPO sa mga polisiya at tungkulin sa NBP habang mahigpit ang bilin ni Eleazar na labanan ang lahat ng uri ng katiwalian sa kulungan.
“Huwag ninyong sisirain ang mataas na tiwala sa atin ng pinuno ng Bureau of Corrections, narito tayo upang tulungan siyang maipatupad ang utos ng ating commander-in-chief na si President Rodrigo Duterta to wipe out corruption and illegal activities here at Bilibid,” babala ni Eleazar sa mga pulis na itinalaga sa NBP.
“Ang pagsasaayos ng pamamalakad sa New Bilibid Prison would be your greatest contribution to the Bucor, to PNP, and to the Philippine government. Take this as your chance to prove your worth as police officers, to show the public how discipline and determined NCRPO personnel are,” paalala ni Eleazar sa mga naturang pulis.
Dagdag pa nito, na gumawa rin sila ng ilang hakbangin upang masiguro na ang mga pulis na nakatalaga sa NBP ay hindi maging corrupt kagaya ng pagkakaroon ng intensified intelligence at monitoring. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.