MAYROON pa umanong hanggang tanghali ng May 13, 2019 National and Local Elections (NLE) ang pamilya upang pumili ng makakapalit sa Daraga, Albay mayoralty race ng pinaslang na si Ako Bicol party-list representative Rodel Batocabe.
Nilinaw naman ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na hindi kinakailangang mula sa ka-parehong political party at hindi rin kinakailangang kamag-anak ni Batocabe ang kanyang magiging substitute, basta’t kaapelyido niya ito.
“It’s your political party that basically gives you the right to be substituted. The most important here is the rule in the surname,” paliwanag ni Jimenez, sa panayam sa telebisyon.
“They don’t even have to be related. It could be just the same last name because the rule says ‘same surname.’ It does not say ‘same family’,” aniya pa.
Nabatid na alinsunod sa Section 33 ng Comelec Resolution 10420, pinapayagan ang mga substitute ng isang kandidato na nag-withdraw ng kandidatura, na-diskuwalipika sa halalan o ‘di kaya’y namatay, kagaya nang naganap kay Batocabe, na maghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) hanggang sa katanghalian ng mismong araw ng halalan.
Si Batocabe at ang kanyang police escort ay matatandaang pinagbabaril at napatay sa isang gift-giving activity para sa senior citizens sa Daraga noong Disyembre 22.
Si Daraga Mayor Carlwyn Baldo naman, na makakalaban sa eleksiyon ni Batocabe, ang itinuturo ng pulisya na siyang utak sa likod ng krimen. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.