UMAAPELA ang mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines- Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMIP) sa mga ahensiya ng pamahalaan na ayudahan ang libo-libong overseas Filipino workers (OFWs) na na-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na hindi makabiyahe kasunod ng pagsadsad ng isang Xiamen plane noong Agosto 16.
Partikular na nanawagan si Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-ECMIP, sa pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tulungan ang mga OFW na ipaliwanag sa Labor Ministries ng mga bansa na kanilang pupuntahan, ang dahilan ng pagkaantala ng kanilang pagbalik sa trabaho.
“We, at CBCP-ECMI, are in sympathy and solidarity with our OFWs. We know their predicament and anxiety with works. We appeal to the airlines to give their priority to board, to DFA thru our embassies in those countries to help to explain to ministries of labor in those countries the reason of their delays,” ani Santos, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Nauna rito, nagpahayag ng pangamba ang ilang OFWs na mawalan ng trabaho dahil sa sobrang pagkaantala ng nakatakdang pagbalik sa mga bansang pinagtatrabahuan.
Nanawagan din si Santos sa airline companies na unahin ang kapakanan ng mga stranded na pasahero sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang tulong tulad ng pagkain at pansamantalang matutuluyan.
Ipinapanalangin din ng Obispo na maisaayos at tuluyang maibalik sa normal ang operasyon ng paliparan at ligtas na makakabalik ang mga OFW sa mga bansang pinagtatrabahuan nila.
Kaugnay nito, nangako naman na ang OWWA na bibigyan ng sertipikasyon ang mga OFW na kanilang ipapakita sa kanilang mga employer. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.