NANAIG ang katatagan ng BYB Kapatagan sa dikdikang sagupaan laban sa crowd favorite at host team Pagadian, 66-56, sa knockout semifinals match para angkinin ang huling upuan sa finals ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge, Lunes ng gabi sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga Del Sur.
Makakaharap ng No.3 seed Buffalos ang No.4 seed Zamboanga Sibugay sa best-of-three Finals na magsisimula sa Miyerkoles, alas-8 ng gabi.
“Hindi ko inisip noong mag-umpisa kami dito na makakaabot kami sa Finals. Hindi talaga!,” pahayag ni Kapatagan head coach Jaime Rivera.
Naghabol sa kabuuan ng first half, nagawang maagaw ng Buffalos ang bentahe, tampok ang 10-0 run sa final period at palobohin ang kalamangan sa 12 puntos, 50-38, may 8:03 ang nalalabi.
Nagpalitan ng maikling scoring run ang magkabilang panig bago muling nakuha ng Kapatagan, sa pamamagitan nina Garexx Puerto at KD Ariar, ang kalamangan sa 57-44.
“Sinabihan ko na talaga ‘yung players na hanggang walang buzzer, walang bibitaw kaya ayun na-maintain namin ‘yung lead namin,” sambit ni Rivera.
Nagsalansan si Jonel Bonganciso ng 15 puntos , walong rebounds, dalawang steals at isang block para sa Buffalos, habang nag-ambag si Gayford Rodriguez ng 10 puntos at pitong rebounds.
Naunang umabante sa finals ang Zamboanga Sibugay nang gapiin ang top seed GlobalPort-Misor, 81-64.
“Nag-materialize lahat ng hardwork namin especially ‘yung offense namin ngayon,” sabi ni Warriors head coach Arnold Oliveros. EDWIN ROLLON
Iskor:
(Unang laro)
Kapatagan (66) – Bonganciso 15, Rodriguez 10, Puerto 9, Ariar 8, Lao 7, Daanoy 6, Kwong 4, Sollano 3, Delfinado 2, Igot 2.
Pagadian (56) – Mag-isa 14, Diaz 8, Pepito 8, Ibanez 7, Fuentes 6, Pamaran 4, Acaylar 4, Caballero 3, Demigaya 2, Uri 0, Saludsod 0, Demapilis 0, Dechos 0.
QS: 15-19, 30-27, 46-38, 66-56.
(Ikalawang laro)
Zamboanga Sibugay ( 81) – Mantilla 19, Dumapig 14, Jamon 11, Arong 11, Foronda 9, Octobre 8, Sorela 5, Caunan 2, Imperial 2, Lacastesantos 0, Pasia 0, Bangcoyan 0, Almocera 0.
MisOr (64) – Lee Yu 17, Estrella 16, Cervantes 10, Nalos 7, Baracael 5, Salcedo 4, Meca 3, Ubalde 2, Diaz 0, Agbong 0, Ballesteros 0.
QS: 22-16, 37-33, 66-42, 81-64