HUMINGI ng tulong kay Senador Raffy Tulfo para sa kanyang proteksyon at kaligtasan ang kapatid ng namatay na middleman na sangkot sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa kanyang programang “Wanted sa Radyo” nitong Lunes, ibinunyag ng kapatid ng New Bilibid Prison (NBP) inmate na si Jun Villamor, alyas “Ate,” na mayroon siyang mga pangalan ng tatlong indibidwal na posibleng nasa likod ng kahina-hinala at biglaang pagkamatay ng kanyang kapatid.
Si Villamor ay idinawit nang umaming gunman na si Joel Escorial bilang taong nag-utos diumano sa pagpatay kay Lapid.
Sinabi ni alias Ate kay Tulfo na nakausap niya si Villamor sa pamamagitan ng Facebook messenger bandang 11:59 ng umaga noong Oktubre 18, ilang oras bago siya mamatay, kung saan pinangalanan nito ang tatlong preso na dapat imbestigahan sakaling mapatay siya sa kulungan.
Pinayuhan naman ni Tulfo si Villamor na huwag ipahayag sa publiko ang mga pangalan ng tatlong suspek at sinabi niyang talakayin nito ang impormasyon sa Department of Justice (DOJ) off-air.
“Unfair sa tatlo kapag binanggit na ang pangalan nila on-air dahil malaki ang posibilidad na ipapatay sila,” ani Tulfo.
Nanindigan si Tulfo na hindi dapat muna isa-publiko ang mga pangalan ng tatlong tao para maprotektahan sila, at masiguro na makakatestigo sila patungkol sa kaso.
Upang maimbestigahan ang mga impormasyos na hawak ni Ate, nakipag-ugnayan si Tulfo kay DOJ Secretary Boying Remulla.
Tinalakay rin ni Tulfo kay Remulla ang kahilingan ni Ate na ibalik ang bangkay ng kanyang kapatid sa kanilang probinsya sa Leyte. Sinabi ni Remulla na gagawin ito pagkatapos ng ikalawang independent autopsy kay Villamor ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun.
Binigyang-diin din ng senador mula sa Isabela at Davao na ang isinasagawang toxicology test kay Villamor ay maaaring makatulong sa pagtukoy kung siya ay napasukan ng iba pang kemikal sa katawan kaya siya namatay. VICKY CERVALES