Inilipat ng Naitonal Bureau of Investigation (NBI) sa Senado nitong Lunes si Shiela Guo, kapatid ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Si Shiela, kasama si Cassandra Li Ong, ay nakatakdang humarap sa pagdinig ng Senado sa Martes, Agosto 27, hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), sinabi ng tagapagsalita ng Senado na si Atty. Arnel Jose Bañas.
Sinuri ng medical team ng Senado si Guo upang matiyak ang kanyang pisikal at mental na kalusugan.
Tiniyak ng Senate security team na pinamumunuan ni Sergeant-at-Arms Lt. Gen. Roberto Ancan PA (Ret) ang proteksyon at kaligtasan ni Guo sa loob ng Senado, ani Bañas.
Magkakaroon din ng round-the-clock security team na naka-post malapit sa tirahan ni Shiela.
Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng House of Representatives si Ong.
Nauna rito, sina Shiela at Ong ay isinailalim sa kustodiya ng Indonesia at kalaunan ay pinabalik sa Pilipinas.
LIZA SORIANO