MARIING kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go ang iniulat na hazing ng fraternity na naging sanhi ng kamatayan ni John Matthew Salilig, 24 anyos na estudyante ng Adamson University.
“Dapat po ay kapatiran, hindi kamatayan,” pahayag ni Go sa ambush interview matapos ayudahan ang mga residente ng Mendez, Cavite nitong Huwebes, Marso 2.
Ipinahayag niya ang kanyang pagkadismaya sa paggamit ng pisikal na karahasan sa panahon ng recruitment, at sinabing hindi ito sukatan ng kakayahan ng isang tao na maging mabuting miyembro ng isang fraternity o anumang organisasyon.
“Hindi po nasusukat sa physical violence na ginagamit sa recruitment ang pagiging magaling na future member ng isang fraternity. Hindi ‘yan sukatan ng leadership kung bubugbugin mo ang katawan ng kasamahan (mo) through hazing,” saad ni Go.
“Alam n’yo, tayong mga magulang pinapaaral natin ang ating mga anak. Nagsasakripisyo tayo, nagtatrabaho tayo (upang) mapalaki ang ating mga anak, pinapaaral natin para makapagtapos sila ng pag-aaral. Ngunit hindi para saktan at mamatay.”
Hinimok niya ang mga awtoridad na imbestigahan ang insidente at panagutin ang mga responsable sa kanilang mga aksyon.
“Ang apela ko lang po sa pangangasiwa, imbestigahan agad at papanagutan ang dapat managot. Hustisya po para sa biktima po ng hazing.”
Nang tanungin kung naniniwala siyang dapat dalhin ang insidente sa Senado para sa imbestigasyon, sumagot si Go na handa siyang makilahok kung mangyayari ito. Gayunpaman, naniniwala siyang dapat hayaan muna ang pulisya na kumpletuhin ang kanilang imbestigasyon.
Noong Martes, nadiskubre ang naaagnas na bangkay ni Salilig sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite, na hinihinalang biktima ito ng hazing.
Nagsampa na ng kaso ang kapatid ni Salilig na si John Michael at isa pang neophyte na dumanas din umano ng hazing laban sa anim na indibidwal na umano’y sangkot sa insidente.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at nakatakdang sumailalim sa preliminary investigation, kung saan bibigyan sila ng pagkakataong maglahad ng kanilang depensa laban sa mga akusasyon.
Nang tanungin kung naniniwala siyang maaapektuhan ng insidente ang pagtulak ng revival ng Reserved Officer Training Corps, nilinaw ni Go na iba ang ROTC sa mga fraternities at nagpahayag ng suporta sa muling pagkabuhay nito, at sinabing nilayon nitong magtanim ng disiplina, pagkamakabayan, at pagmamahal para sa bansa ng kabataan.