KAPAYAPAAN, PAGTATAPOS NG GIYERA IPINANAWAGAN

PAGTATAPOS  na ng mga digmaan at kapayapaan ang naging panawagan ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa idinaraos na 148th Inter-Parliamentary Union (IPU) sa Geneva Swizerland.

Sa harap ng mga kapwa mambabatas mula sa ibat-ibang bansa, sinabi ni Zubiri na digmaan ang nagpapabagal sa paglago ng pandaigdigang ekonomiya dahil ang labis na naaapektuhan ay ang mga mahihirap.

Kasama ni Zubiri sa Switzerland sina Minority Leader Koko Pimentel III at Sens. Nancy Binay, Pia Cayetano at Lito Lapid.

Kasabay nito, nanawagan ang Senate president sa mga kapwa mambabatas na paigtingin ang kani-kanilang ugnayan at kooperasyon para sa mapayapang pamumuhay sa mundo.

Ang IPU ay isang pandaigdigang organisasyon ng mga mambabatas sa mundo na ang pangunahing layon ay ang pagsusulong ng demokratikong pamumuno.