Kapayapaan Para Sa Lahat

MASAlamin

SA GITNA ng mga matitinding pagsubok ng bansa at ng lipunang ginagalawan, nakapihit tayo sa pananampalataya upang makamtan at mapanatili ang kapayapaan sa bawat isa.

Ito ang sandigan ng bawat nilalang, ang tuwa ay nagmumula sa takot sa Diyos, maging ang talino at paglago.

Nakasandal sa mga Salita ng Panginoon ang bawat desisyon, ang bawat hakbang ay nakatuntong sa katotohanan at ang bawat hamon ay may katiyakang kalutasan dahil sa tapat ng pag-ibig ng Maylalang.

Sa pagsisikap ay may katuparan, sa katapatan ay may tanglaw ng kaligtasan, ang tuwa ay nasa pagmamahal sa kapwa, ang mga mapag-mataas at mapangutya ay may kalalagyan.

Sa Kapaskuhang ito sa gitna ng pandemya ay naramdaman ng lahat ang pag-inog ng daigdig, ang mga ordinaryong nakagawian ay ipinagbawal, ang mga nakasanayan ay binago, ang mga karaniwang inaasahan ay binigyan ng takdang panahon, pinanikluhod ang sandaigdigan sa Diyos, hanggang muli ay natutong magdasal, magmakaawa sa Kanya, umiyak ng mga totoong luha, magsumamo at maghintay sa Kanyang kaawaan.

Ngunit may mga nalilihis pa rin ng landas, mga nakuha pang mang-abuso, magnakaw ng salaping para sana sa mga naghihikahos, mga ayuda na para sana sa mga lamesang walang makain, mga pamumuhunang ibinulsa lamang ng mga dinaanan, at mga negosyong ipinilit sa bansa at pinagkakitaan ng mga may kapangyarihan at ng mga kinasabwat nila.

Ngunit lahat ay nabubulgar, lahat ay pananagutin ng Langit, lahat ay nahaharap sa batas ng karma.

Marami tayong nasaksihan ngayong taon na ito ng mga pagpanaw, mga kaibigan, kamag-anak, kapitbahay o kakilalang namaalam nitong taong 2020.

Gayunpaman sa harap ng napakaraming pagsubok, Enero nang sumabog ang bulkan at nitong Disyembre ay may pagyanig ng lupa, nananatiling nasisipat natin ang gintong pag-asa dahil sa ating Ama sa langit na nagmamahal at gumagabay.

Comments are closed.