KAPE: PAANO NGA BA MAGIGING SUPER HEALTHY

KAPE-5

(Ni CT SARIGUMBA)

KUNG mayroon mang inumin na kinahihiligan ng marami, iyan ang kape. Sa paggising pa lang, ito na kaagad ang hinahanap-hanap ng ating pang-amoy at panlasa. Aroma pa nga lang naman ng nasabing inumin, nagigising na ang ating kalamnan.

Popular nga naman ang kape dahil sa raming benepisyong taglay nito. Gayunpaman, gaya ng lahat ng pagkain at inumin, nakasasama kapag sobra.

Kaya naman, sa mga mahihilig sa kape, narito ang simpleng pa­raan nang maging super healthy ang nasabing inumin:

HUWAG SOSOBRAHAN ANG PAG-INOM NG KAPE

Nangunguna sa ating listahan ang pag-inom ng kape ng limitado. Kumbaga, kahit na sarap na sarap tayo sa kape, mainam pa rin kung lilimitahan natin ang pagkunsumo nito nang may makuhang benepisyo ang ating katawan.

Kung moderate lang o tama lang ang pag-inom ng kape, siguradong makukuha natin ang health benefits na tag­lay nito. Taliwas naman kung sosobrahan natin ang pag-inom.

Kung minsan o sa ilan, may adverse side effect ang excessive caffeine intake.

KUMAIN MUNA BAGO UMINOM NG KAPE

Marami sa atin ang nagkakape na muna bago ang pagkain ng almusal. Kumbaga, pagtayo ay galing sa higaan, deretso kaagad sa kusina at nagtitimpla ng kape. Ito nga naman kasi ang pangunahing paraang alam natin upang kaagad na magising ang tutulog-tulog nating diwa.

Gayunpaman, kung mas uunahin natin ang pag-inom ng kape kaysa sa pagkain ng almusal, maaaring mas mapababa natin ang ating energy levels.

Naglalabas kasi ang ating blood ng insulin inresponse to the caffeine na makukuha sa kape.

Nang maiwasan ito, kumain muna ng kahit na tinapay bago uminom ng kape. Swak na swak din namang ka-partner ng kape ang pandesal.

Kung wala namang tinapay, uminom na muna ng tubig.

IWASAN ANG PAG-INOM MULA 2 P.M.

Malamang, kung mayroon mang advice na pinakamahirap gawin, ito iyon: ang iwasan ang uminom ng kape simula sa pagtuntong ng alas-dos ng hapon.

Sa mga nag-oopisina, ito ang oras (2 p.m) na nakikipag-away tayo sa antok nang matapos ang mga gawaing nakaatang sa atin. Kaya naman, paniguradong mahihirapan tayong iwasan ang pag-inom ng kape mula 2 P.M.

Nakapagbibigay ng energy ang pag-inom ng kape. Natutulungan din tayo nitong magising ang tutulog-tulog nating diwa kapag pagod tayo.

Gayunpaman, kung iinom ng kape ng mula alas-dos ng hapon, maaari nitong maapektuhan ang ating pagtulog. Kaya para maiwasang magkaproblema sa pagtulog, iwasan din ang pag-inom ng kape sa hapon.

Kung hindi naman maiwasan, subukan ang decaf. O kaya naman, magandang option ang pag-inom ng tea dahil mas less ang taglay nitong caffeine.

IWASAN ANG LOW-FAT, ARTIFICIAL CREAMER AT SUGAR

Hindi nga naman buo ang kape kung wala itong creamer. Mas lumalabas ang lasa ng kape kapag hinaluan ito ng creamer at pampatamis.

Pagdating naman sa gagamiting creamer, iwasan ang artificial at low-fat. Mas mainam kung ang gagamitin ay mga non-dairy creamer o kaya full-fat cream.

Sa ilang pag-aaral, lumabas na ang milk product ay nagtataglay ng mga mahahalagang nutrients na kailangan ng ating katawan.

Iwasan din ang artificial sugar.

Mas healthy rin kung kahihiligan ang black coffee gaya na lang ng espresso. Ang ganitong klase kasi ng kape ay mas mababa sa 10 calories per 8-ounce cup. Kaya kung nag-aasam ka o nagnanais na mag-cut ng calories, subukan ang black coffee.

Hindi nga naman maihihiwalay sa kinahihiligan nating inumin ang kape. Ngunit, huwag na huwag din nating sosobrahan ang pagkonsumo nito. Dahil sabi nga, lahat ng sobra ay nakasasama. (photos mula sa mummyconstant.com, blog.bulletproof.com, cbsnews.com)

Comments are closed.