KAPE SA UMAGA, TANGHALI AT GABI

KAPE-9

(NI KAT MONDRES)

ANG kape na yata ang pambansang inumin ngayon ng mga Pinoy. Kahit anong flavors man ‘yan, mapa-latte, vanilla, espresso, oreo, black coffee, chocolate cream chip, mocha frappe o decaf ay siguradong patok sa panlasa ng mga Pinoy.

Marami na rin ngayon ang mga kapeng makikita sa malls at hotel na nakabubutas ng bulsa ang presyo. Pero hindi naman iyon naging palaisipan sa iba dahil kahit anong taas ng presyo ng kape ay sulit naman ito sa sarap. Pero kung ikaw ay kulang sa budget at trip mo ring magkape, mayroon ding kape na wala pang sampung piso. Ito ay makikita sa tiangge o sa gilid ng kalsada. Sinadya ito sa taong nagtitipid pero gusto ring magkape. Masarap din ito at swak sa bulsa mga Pinoy.

Kape ang pangalawang pinakakaraniwang kinakalakal na komunidad sa buong mundo, petrolyo ang nangu­nguna. Ang kape ang pangunahing pinagkukunan ng caffeine, isang stimulant. Patuloy na inaaral at pinag-uusapan ang potensyal na pakinabang nito. Mayroon din namang nagsasabi na ang kape ay nakadaragdag ng enerhiya. Kapag ikaw ay uminom nito ay magi­ging alerto at aktibo ka sa buong araw.

Marami ngayon ang nagkakape mula sa umaga hanggang gabi pero hindi man lang namamalayan kung ano ang naidudulot nito sa katawan. Sinasabi ng mga eksperto na ang kape ay may masasamang dulot sa ating lifestyle. Acidic ito.

Gayunpaman, ang kape raw ay antioxidant o tumutulong upang mapabagal ang pagkulubot ng balat o ang pagtanda ng isang tao. Ito rin ay pumipigil at gumagamot ng Alzheimer’s disease, diabetes, sakit sa atay, kanser sa balat, Parkinsons at iba pa.

Nakatutulong din ito sa tamang pagdaloy ng dugo at nagtataglay ng maraming antioxidant na mainam sa ating puso. Ito ay may caffeine na nakatutulong na mag-enhance ng mental performance ng isang tao, at tumutulong sa pagtunaw ng pagkain sa ating tiyan.

Pero payo ng ating mga doctor na hindi dapat lalampas sa anim na tasa ang pag-inom ng kape sa isang araw. Kapag sumobra ay baka mapasama ang katawan. (photo mula sa lnc.com)

Comments are closed.