KAPIT, PINOY

HANOI – Sa ikatlong sunod na araw ay nahirapan ang mga Pinoy athlete sa kanilang kampanya para sa gold, dahilan para bumagsak ang Pilipinas sa ika-4 na puwesto overall, mahigpit na katunggali ang Singapore, sa 31st Southeast Asian Games kahapon dito.

Mainit na sinimulan ng men’s bowling team nina Merwin Tan, Christian Dychangco, Ivan Malig at Patrick Nuqui ang araw  sa pagdagdag ng team-of-4 gold sa singles triumph ni Tan noong Lunes.

Gayunman, habang papatapos ang araw, ang mga Pinoy athlete ay nanatiling tahimik hanggang maungusan ni  judoka Rene Furukawa Lanoy si Chu Myat Noe Wai ng Myanmar,  1-0, sa finals ng women’s minus 57kg class sa Hoai Duc Gymnasium.

Ang dalawang gold ay nagpalobo sa haul ng Team Philippines na suportado ng  Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, sa 40, kasama ang panalo ng women’s Wild Rift squad  noong Miyerkoles ng gabi, ang unang  esports gold para sa bansa dito.

Subalit hindi ito sapat para mapigilan ang Indonesia sa pagsibak sa Pilipinas sa third at bumagsak ang mga Pinoy, na may 4  golds noong Martes at tatlo noong Miyerkoles, sa fourth kontra Singaporeans.

Habang patuloy ang pamamayagpag ng Vietnam na may 149-88-80 hanggang press time, ang Thailand, minsang nakipag-agawan sa Pilipinas sa second, ay umangat sa 58-65-92, at umakyat ang Indonesia sa third na may 41-59-55.

Ang mga Pinoy, bukod sa 40 gold medals, ay may 55 silver at  76 bronze medals, ang kanilang silver medal production ang nagpaangat sa kanila sa labanan para sa fourth.  Ang Singapore ay may 40-41-52 tally para sa fifth.

Isa sa walong silver medals na napanalunan ng bansa ay nagmula kay marathoner Christine Hallasgo, na nilabanan ang pamumulikat ngunit naisuko pa rin ang kanyang korona kay Indonesian Odekta Naibaho Elvina, na dinomina ang lung-busting race sa 2:55.280. Si Hallasgo, na naghari noong 2019 edition, ay naorasan ng 2:56.07 para sa second, habang kinuha ni Vietnam’s Ngoc Hoa Hoang Thi ang third sa 2:57.350.

Nagwagi rin ang basketball, tennis, boxing, at billiards, mga disciplines na magtatapos ngayong weekend.

Inaasahang magpapataas sa moral ng mga Pinoy rito si Olympic champion Hidilyn Diaz, na pinapaborang mabubuhat ang 55kg weightlifting crown  ngayong Biyernes.

Bukod kay Hallasgo, nagwagi rin ng winning silver medals sina Grandmaster Darwin Laylo at International Master Paulo Bersamina sa rapid chess; archer Jennifer Chan at Paul Marton dela Cruz sa mixed team competition; judokas Keisei Nakano at John Viron Ferrer, at wrestlers Roni Tubog, Alvin Lobreguito, at Jhonny Morte.

Isa pang judoka, sa katauhan ni Megui Kurayoshi, ang nanalo ng bronze, kasama sina Janella Mae Frayna at Antoinette San Diego sa chess, ang team nina Paul dela Cruz, Flor Matan at Johan Olano sa archery’s men’s team competition, weightlifter Rosegie Ramos, taekwondo’s Israel Cesar Cantos, karatedo’s Ivan Agustin, kata team nina Nicole Dantes, Rebecca Torres, at  Sarah Pangilinan, at Ramon Misu.