Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – DLSU vs UE (Men)
4 p.m. – NU vs AdU (Men)
MATAPOS ang dalawang sunod na overtime losses, umaasa ang Adamson na agad na makababalik sa trangko sa pagsagupa sa National University, habang sisikapin ng La Salle na mapatatag ang kapit sa No. 4 spot sa pagharap sa University of the East sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.
Batid ni Bulldogs coach Jamike Jarin na malakas pa rin ang Falcons (5-2) sa kabila ng back-to-back defeats na nagpatalsik sa kanila sa top spot.
Nakatakda ang bakbakan ng Falcons at Bulldogs sa alas-4 ng hapon matapos ang duelo ng Archers at Warriors sa alas-2 ng hapon.
“It’s nice to get a win. The feeling is very good. But of course, you are facing one of the best basketball teams in college right now.
“Probably, agruably one of the best coaches in Franz Pumaren,” wika ni Jarin makaraang putulin ng NU ang five-game slide sa pamamagitan ng 88-61 pagbasura sa University of the East noong Sabado.
Sa parehong araw ay nalasap ng Adamson ang 78-79 overtime loss sa Green Archers na nagsara sa first round.
“We got our heads full right now. But of course, we have three days to rest and prepare. Good thing we have the same schedule. We played the same date today (last Saturday) and we gotta play three days after. There’s no advantage right now except for their experience and except for their maturity,” wika ni Jarin patungkol kay Adamson.
May 2-5 kartada at dalawang laro ang layo sa No. 4 spot, sisikapin ng Bulldogs na mag-ipon ng panalo upang makalusot sa elimination round.
Matapos ang roller-coaster first round, umaasa ang La Salle na mas maganda ang kanilang ipakikita sa krusyal na bahagi na ito ng torneo.
“I think we are right on track. Ang unang hinihingi ko lang sa kanila is to finish the first round na nasa upper half ng standings, para at least may chance tayo for the Final Four,” ani La Salle coach Louie Gonzalez.