KAPIT SA TOP SPOT HIHIGPITAN NG NLEX

NLEX-3

Mga laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – NLEX vs NorthPort

7 p.m. – Alaska vs Phoenix

TARGET ng NLEX ang ika-9 na panalo sa 10 laro at patatagin ang kapit sa liderato sa pakikipagtipan sa NorthPort sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Araneta Coliseum.

Nakatakda ang bakbakan ng tropa ni coach Yeng Guiao at ng Batang Pier sa alas-4:30 ng hapon na susundan ng sagupaan ng Alaska at Phoenix sa alas-7 ng gabi.

Anim na sunod na panalo ang naitala ng Road Warriors matapos na yumuko sa San Miguel Beer, 94-98, noong nakaraang Oct. 4 sa Dubai.

Determinado ang Road Warriors na panatilihin ang kanilang winning streak, sa pangu­nguna ng kanilang bagong import na si NBA veteran Manny Harris na kumamada ng 40 points sa una niyang pagsalang at tinalo ang sister team Talk ‘N Text noong nakaraang Oct. 25.

Lamang sa billing si Harris sa kanilang match up ni Khapri Alston at ito ang magiging susi sa ika-7 sunod na panalo ng NLEX.

Muling pangu­ngunahan ni Harris ang opensiba ng Road Warriors, katuwang sina Kiefer Ravena, Philip Paniamogan, Larry Fonacier, Kennet Ighalo, JR Quinahan at Pepito Galanza.

Gusto ring manalo ng NorthPort para mapalakas ang kanilang kampanya sa quarterfinals. Nasa ika-8 puwesto ang Batang Pier na may 3-5 kartada.

Limang koponan na ang umabante sa quarterfinals – NLEX, Meralco, TNT, San Miguel Beer at Barangay Ginebra. CLYDE MARIANO