“KAPITAN LIGTAS: DENGUE FIGHTER” NASA ANDROID NA

ANG pamahalaang lungsod ng Maynila ay nagpapakilala ng bagong kamulatan tungkol sa dengue sa paggunita ng Dengue Awareness Month ng lungsod sa pangunguna ng Manila Health Department (MHD).

Dahil dito, inaanyayahan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng residente ng Maynila na i-download ang “Kapitan Ligtas: Dengue Fighter” sa cellphones.

Ayon sa alkalde, ito ay isang mobile game na pwedeng i-download via Google/playstore ng libre. Si Kapitan Ligtas ay ang mascot ng MHD na nagtuturo sa mga residente kung paano iwasan ang mga sakit at kung ano ang gagawin kapag may sakit.

Nabatid na ang laro ay ipinakilala ni MHD chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan upang makuha ang atensyon ng mga mamamayan ng Maynila lalo na ng mga kabataan.

Sa kasalukuyan ay available na ang App sa android phones pero sa mga susunod na Linggo ay available na rin ito sa IPhones.

“Samahan ninyo si ‘Kapitan Ligtas’ sa sukdulang labanan laban sa dengue. Pinagsasama ng kapana-panabik na offline na larong ito ang puno ng aksyon na ‘gameplay’ na may mahalagang pang-edukasyon na nilalaman upang matulungan kang matutunan kung paano pigilan ang pagkalat ng dengue,” ani Pangan.

Ayon kay Lacuna, ang ideya ng pagsasalin sa isang laro ng “Kapitan Ligtas” ay dahil halos lahat ng Pilipino ay nakatutok ng buong araw sa cellphone at dahil tag-ulan na, inaasahan ang pagtaas ng kaso ng Dengue.

Idinagdag pa nito, dinisenyo ang laro para makuha ang interes ng publiko lalo na ng mga kabataan na prone sa dengue dahil sa hindi sinasadyang kapabayaan.

“Apart from being enjoyable, the mobile game teaches the player about dengue and how to repel the mosquitoes that bring about the dreaded illness. Para rin po sa mga anak at apo kasi very educational ang laro o app na ito, kung saan makikita po kung paano nilalabanan ni Kapitan Ligtas ang lamok na may dalang dengue,” pahayag ng alkalde.
VERLIN RUIZ