KARAGDAGANG 500 PDLs INILIPAT SA MINDANAO

MINDANAO-INIHAYAG ng Bureau of Corrections (BuCor) na muli silang naglipat ng 500 persons deprived of liberty (PDLs) na nakabase sa dalawang pasilidad sa Metro Manila para i-decongest ang mga bilangguan.

Ayon sa BuCor, ang mga inilipat ay may kabuuang 450 lalaking PDL mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa at 50 babaeng PDL mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong ang inilipat sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) at CIW sa Mindanao nitong Nobyembre 8.

Ang mga PDL ay sinamahan ng corrections officers mula sa BuCor at NBP sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang security forces ng Caraga Region.

Dumating ang mga ito sa Nasipit Port kasama ang DPPF Security Force at mga opisyal ng BuCor.

Isinasaalang-alang na ang pagdadala ng mga PDL ay isa sa pinakamaselang tungkulin ng correctional administration partikular na sa seguridad at mga operasyon.

Ang mga correction officer ay kinakailangang sundin ang mandatoryong pagsunod sa mga alituntunin at pamamaraan na may kinalaman sa paggalaw upang matiyak ang matagumpay na turnover. EVELYN GARCIA