MATAPOS ang matagumpay niyang panukalang 30% across-the-board karagdagang benepisyo sa PhilHealth na ipinatupad noong Pebrero 14, binigyang-diin ni Agri party-list Rep. Wilbert “Manoy” Lee na itutuloy niya ang laban para sa kasiguruhan ng kalusugan ng mga Pilipino.
Sa nagdaang deliberasyon ng House Plenary para sa Department of Health (DOH), kanyang naigiit na magkaroon ng komprehensibong plano na mapababa ang out-of-pocket medical expenses ng mga Pilipino, partikular sa pamamagitan ng karagdagang mga benepisyo sa Philhealth.
“Gusto po nating higit pang makatulong, lalo na sa mahihirap nating kababayan. Sila na hirap bumili ng pagkain. Hirap bumili ng gamot. Hirap magbayad sa ospital. Hirap sa pamasahe, baon at gamit sa eskwela. Hirap makakuha ng ayuda. Hirap makahanap ng hustisya o katarungan. Hirap sa buhay na nawawalan na ng pag-asang makaahon. Kailangan po natin ng lider na may takot sa Diyos, lalaban nang walang takot para sa lahat ng karapatan at deserve na serbisyo ng mga Pilipino,” ani Lee.
Dahil sa kanyang paggigiit, nakuha ni Lee ang matibay na komitment ng DOH at ng PhilHealth na ipatupad ang isa na namang benefits package enhancement, across-the-board ng 50% epektbo sa November 2024, na sasakop sa diagnostic tests tulad ng Positron Emission Tomography (PET) scan, Computed Tomography (CT) scan at ng Magnetic Resonance Imaging (MRI) bilang mga bahagi ng outpatient services, at kasama rin ang di bababa sa 80% ng cancer treatments tulad ng chemotherapy at mga procedures for heart diseases na hindi lalampas ng December 31, 2024, at iba pang mga benepisyong pangkalusugan.
JUNEX DORONIO