LAHAT ng mauunlad na bansa ay mayroong magandang imprastruktura at maayos na sistema ng transportasyon kaya maraming investor ang nahihikayat magpasok ng pera sa mga ito.
Mabilis kasi ang balik ng puhunan kapag maganda ang mga sistemang umiiral sa bansa. Kung hindi ninyo nalalaman, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng imprastruktura sa kaunlaran ng isang bansa kaya ito ang naging pangunahing pokus noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at siyang ipinagpapatuloy at pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) sa pamamagitan ng proyektong imprastrukturang tinawag nitong “Build Better More”.
Isa sa mga pangunahing problema sa bansa na matagal nang sinusubukang solusyonan ng iba’t ibang administrasyon ay ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko lalo na sa mga malalaking siyudad gaya ng Cebu at ng Metro Manila. Bagaman mayroon nang mga ginawang highway at expressway noon, nagsagawa rin ng mga road widening, at iba pang inisyatiba, hindi pa rin ito naging sapat dahil ang problema ng daloy ng trapiko sa bansa ay nag-ugat mula sa dami ng sasakyan sa lansangan. Mas pinipili kasi ng mga tao ang magmaneho at magdala ng sariling sasakyan sa halip na gumamit ng pampublikong transportasyon.
Hindi naman kataka-takang mas pipiliin ng mga Pinoy ang pagmamaneho ng sariling sasakyan dahil aminin na natin, hindi pa talaga episyente ang sistema ng ating transportasyon lalo na kung ikukumpara ito sa mga karatig bansa gaya ng Singapore.
Sa Singapore, kapansin-pansin na mas gusto ng mga mamamayan na gamitin ang mga pampublikong transportasyon. Kung hindi pa kayo nakapunta sa bansang ito, dugtong- dugtong ang mga tren dito. Mula sa airport madaling pumunta sa ibang lugar kung ikaw ay turista at napakadaling maglibot dito. Maituturing na kaaya-ayang karanasan ang gumamit ng pampublikong transportasyon hindi gaya sa Pilipinas.
Mabuti na lamang at patuloy sa pagtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor ukol sa mga proyektong pang-imprastruktura, lalo na yaong mga miyembro ng pribadong sektor ang namuhunan. Kailangan na lamang mas ayusin at pabilisin pa ang pagpoproseso ng mga permit kaugnay ng mga proyektong ito upang mas mabilis matapos ang mga proyekto at mas mabilis pakinabangan ng mga mamamayan.
Ang pagsasaayos ng mga imprastrakturang pang-transportasyon ay malaking tulong din sa pagiging produktibo ng mga mamamayan dahil mas bibilis ang biyahe ng mga ito at ang oras na ilalaan nito sa pagmamaneho ay mailalaan sa trabaho. Sa kasalukuyan, maraming mga mananakay ang nahihirapan sa biyahe papunta sa kani-kanilang mga trabaho dahil naiipit sa trapiko at nahihirapan makasakay sa mga pampublikong sasakyan. Bunsod nito, kinakailangan nilang umalis ng mas maaga upang makarating sa tamang oras. Samakatuwid, umaga pa lamang, pagod na agad ang mga ito – isang bagay na maaaring makaapekto sa antas ng pagiging produktibo ng mga empleyado at manggagawang Pilipino.
Malaki rin ang tulong ng episyenteng transportasyon sa lokal na kalakalalan. Mas mabilis at mas madaling maitatawid ang mga produkto lalo na kapag lumuwag ang mga lansangan dahil sa pagbaba ng bilang ng mga pribadong sasakyang dumaraan dito araw-araw. Bilang resulta, maaaaring bumaba ang presyo ng mga produkto dahil sa mas mababang gastos ng mga kompanya sa operasyon nito.
Hindi lamang imprastrukturang pang-transportasyon ang kinakailangang bigyang- pansin sa bansa. Maging ang imprastrukturang pang-komunikasyon ay dapat ding tutukan lalo na ang makapagpapabilis ng koneksiyon sa internet sa Pilipinas. Malaki rin ang naitutulong nito sa antas ng pagiging produktibo ng mga mamamayan dahil sa mabilis na access sa impormasyon at mabilis na pakikipag-ugnayan at komunikasyon.
Lalo na nitong kasagsagan ng pandemyang COVID-19, talagang napatunayan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabilis na serbisyo ng internet. Ito ang nagsilbing tulay ng mga mamamayan sa “outside world” habang kabi-kabila ang ipinatutupad na mga community quarantine, hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Ito rin ang naging daan upang patuloy ang mga negosyo na makapaghatid ng produkto at serbisyo nila sa mga konsyumer.
Batid ang kahalagahan ng mabilis at maaasahang serbisyo ng internet, mismong si PBBM ang nagpahayag ng kautusan ukol sa pagpapaigting nito sa bansa para sa lahat. Sa katunayan, ang mabilis na internet ay isa rin sa mga bagay na pareho-parehong mayroon ang mga mauunlad na bansa.
Ang Pilipinas, bilang isang bansang bumabangon mula sa epekto ng pandemya at muling nagsusumikap na mapalago ang ekonomiya, ay kinakailangang mamuhunan sa mga imprastrakturang makatutulong sa national agenda na ito. Kailangang suportahan ng pamahalaan ang mga miyembro ng pribadong sektor na makatutulong sa pagkamit ng pangkalahatang kaunlaran. Higit sa lahat dapat masigurong mayroong sapat na supply ng kuryente para sa patuloy na lumalaking demand ng bansa dahil kahit anong ganda at dami ng imprastraktura, kung walang sapat na supply, hindi rin mapapakinabangan ng maayos ang mga ito, hindi mahihikayat ang mga investor na mamuhunan sa Pilipinas, at maaari rin itong magresulta sa paghina ng turismo.