KARAGDAGANG MGA MIYEMBRO NG GABINETE NI BBM

NAG-ANUNSIYO na naman kahapon ng karagdagang mga miyembro na bumubuo ng gabinete ni BBM.

Isang buwan pa bago opisyal na manungkulan si BBM bilang opisyal na Pangulo ng Pilipinas. Sa ika-30 ng Hunyo kasi ang umpisa ng termino ni Pres. Bongbong Marcos.

Sa kakapasok na balita, ang dating tagapagsalita ni VP Sara Duterte na si Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco ang itinalagang bagong mamumuno ng Department of Tourism.

Malinaw na maganda ang ugnayan nina BBM at Sara sa pagbubuo ng miyembro ng kanilang gabinete. Pati ang mga malalapit kay VP Sara ay nabibigyan ng mahalagang posisyon sa gabinete. Kuwalipikado si Frasco sa nasabing posisyon.

Ang bayan ng Liloan, kasama na ang buong lalawigan ng Cebu kung saan ang kanyang ina na si Cebu Governor Gwendolyn Garcia ay nangunguna sa pagtutulak ng turismo sa ating bansa. Maraming magagandang tourist spots sa Cebu na seryosong sinusuportahan ng lokal na pamahalaan.

Ang kilalang TV at radio broadcaster na si Erwin Tulfo ay itinalagang DSWD Secretary. Balitado na sa industriya na kapag inalok siyang magsilbi sa bayan ay nais niyang hawakan ang social welfare. Alam naman natin na malapit sa puso ng mga magkakapatid na Tulfo ang pagtulong sa mga mahihirap at naaapi.

Samantala, ang bagong Department of Budget and Management (DBM) ay magkakaroon ng bagong pinuno. Ito ay si Amenah Pangandaman. Hindi kataka-taka at tama ang pagpili kay Pangandaman bilang DBM Secretary. Siya ang dating chief of staff ni Sec. Benjamin Diokno mula noong panahon na nanungkulan sa DBM at sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Kaya nakikita ko ang magandang ugnayan ng economic team ng administrasyon na ito dahil sa may tiwala sa isa’t isa sa pagitan ng DoF na pinamumunuan ni Sec. Diokno at ang DBM.

Ang dating 3-term congresswoman ng Manila na si Zenaida Angpin ang susunod na mamumuno ng Presidential Management Staff o PMS. Kilala si Angpin sa paghawak ng maayos ang mga pangangailangan ng Uniteam noong panahon ng kampanya. Ngayon naman ay nasa kanyang responsibilidad ang pagsasaayos ng lahat ng mga ‘briefing papers’ na kakailanganin ni BBM sa araw-araw. Kasama na rito ang pag- aayos at pagpaplano ng lahat ng mga susunod na presidential trips sa lokal at sa ibayong dagat.

Ang kilalang IT expert na si Ivan John Uy ang susunod na mamumuno ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Ito na ang matagal-tagal ko nang inaasam dahil kilala sa nasabing industriya ang mamumuno sa mga departamento sa gabinete. Matatandaan na ang mga naunang kalihim ng DICT ay hindi talaga bihasa sa information technology. Sa pagtalaga kay Uy, naniniwala ako na maaari niyang pag-ibayuhin ang teknolohiya sa ating bansa, digitalization ng lahat ng kawani ng gobyerno at mapalakas ang broadband connectivity natin na malayong-malayo kung ating ihahambing sa mga karatig bansa natin.

Ang hinihintay ko na lang ay kung sino ang mga itatalaga sa Department of Energy, National Defense, Agriculture, Transportation, Health, Agrarian Reform, Foreign Affairs, Environment and Natural Resources, Cabinet Secretariat, Office of the Solicitor General at Presidential Legislative Liaison Office.

Ang kritikal na dapat na pag-isipang mabuti ng administrasyon na ito ay kung sino ang pipiliin ni BBM na mamuno sa Energy, Health, Defense, Agriculture at Foreign Affairs. Mahalaga na malalim ang kaalaman kung sino man ang mamumuno sa nasabing mga departamento. Kailangan natin ng seguridad sa enerhiya. Malaking bagay ito sa mga malalaking investors kapag sapat at mura ang suplay ng koryente sa ating bansa. Ganoon din sa DoH, dahil bumabangon pa lang ang bansa sa pandemya dulot ng Covid-19 at nagbabadya na maaaring tumaas muli ang bilang ng kaso ng nasabing sakit.

Dapat din na makapili ng tamang tao upang mamuno sa Department of National Defense at Foreign Affairs dahil sa problema natin sa teritoryo laban sa nais ng China. Kasama na rin dito ang pakikipag-ugnayan ng DFA at ang pakikipagrelasyon na Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa administrasyon ni BBM.

Sa agrikultura naman, dapat maipatupad ang pangako ni BBM na ibabagsak ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Kaya naman malaking hamon ito sa susunod na kalihim ng Department of Agriculture na ayusin ang kapakanan ng ating magsasaka at mabigyanf halaga ang lokal na produksyon imbes na importasyon.