KARAGDAGANG MGA PULIS IPAKAKALAT DAHIL SA SUNOD-SUNOD NA PAGDUKOT AT PAGPATAY

MAGPAPAKALAT ng mga karagdagang pulis ang Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos ang mga nagaganap na sunod-sunod na pagdukot at pagpatay sa bansa.

Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, hinihintay lamang niya ang ang report mula sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa napapaulat sa mga nangyaring krimen.

“Ang importante talaga is we get the real figures. Mahirap kasi ‘yung may lumalabas-labas na kuwento na hindi natin nave-verify,” pahayag ni Abalos sa ginanap na Palace press briefing.

“We are on top of this situation, we are trying our best sa lahat… Huwag kayong mag-alala dito. We will give you the real numbers here, papapuntahin ko at expect more police visibility,” ayon sa kalihim.

Binigyang-diin ni Abalos na importante rin ang tulong mga opisyal na barangay bilang ‘force multipliers’ sa kanilang mga nasasakupan.

Nang tanungin si Abalos na kung kailangan bang itaas na sa alarma ang Metro Manila o iba pang lugar dahil sa mga nagaganap na krimen, sinabi niya na kailangan muna niyang makita ang report mula sa PNP.

“What is important is we get the numbers and let us hear it straight from the PNP,” ani Abalos.

Magugunitang nitong nakaraang linggo ay sunod-sunod ang mga napapaulat na pagdukot at pagpatay sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Nitong Martes lamang, apat na katao ang natagpuang patay sa loob ng nakaparadang kotse sa Rodriguez, Rizal at hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaslang.

Natagpuan namang patay ang 29-anyos na babae sa loob ng kaniyang tahanan sa Malabon noong Lunes, at nadakip na ang suspek.

Noong nakaraang linggo naman, nakita sa video ang pagdukot sa isang lalaki sa gasoline station sa Batangas at kinalaunan ay nakitang patay sa lalawigan ng Quezon. EVELYN GARCIA