TILA mailap ang tunay na kapayapaan para sa ating mga kababayang nasa Mindanao. Ilang araw pa lamang matapos ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL), ginimbal tayo ng dalawang magkasunod na pagpapasabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo noong Linggo habang nagdiriwang ng banal na misa. Nakababahala ang panibagong bantang ito sa kaligtasan ng mga mamamayan na patuloy na namumuhay sa gitna ng pangambang muli na namang sumiklab ang kaguluhan sa bahaging ito ng bansa.
Dalawampu’t isang buhay rin ang kinitil ng nasabing karahasan sa Jolo, at humigit kumulang 82 sibilyan at sundalo ang nasugatan sa insidente. Nakalulungkot na sa kabila ng pagsisikap ng ating pamahalaan sa pangunguna ng Pangulong Duterte na makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao, may mga salungat na puwersang pilit na humahadlang sa pagsulong tungo sa pag-unlad. Bagama’t patuloy ang negosasyon para makamit ang solusyong makabubuti para sa pangkalahatan ng mga Filipino, naaantala ang pagkamit ng katahimikan at pagkakaisa dahil may mga kababayan pa tayong hindi nais sumuporta sa layunin ng pag-unlad sa Mindanao.
Pangunahing kondisyon na kailangan upang maisakatuparan ang layunin na mapaunlad ang Mindanao at mapalaya ang ating mga kababayang Muslim sa kahirapan at pagkaipit sa kaguluhan ang pagkamit sa kapayapaan. Isang magandang simula na sana ang matagumpay na plebisito noong nakaraang Enero 21 para sa Bangsamoro Organic Law. Subalit sa pagsabog na naganap sa Jolo, tila hinahamon na naman ang pagkakaisa ng mga Filipino at ang kapayapaan sa bahaging ito ng Filipinas. Ang Bangsamoro Organic Law ay ang susi na magbubukas sa mga kababayan natin sa Mindanao sa isang bagong rehiyon na mapayapa, maunlad at nagkakaisa. Dangan nga lamag at hindi pa lubusang nauunawaan ng ilan ang kapakinabangang hatid ng pagratipika sa BOL.
Sa gitna ng lahat ng kaguluhan at pagkakahati-hati, ang mga inosenteng sibilyan ang naiipit at patuloy na nalulubog sa kahirapan at panganib. Tulad ng marami sa atin, kapayapan at matiwasay na pamumuhay ang kanilang tanging hinahangad para sa kanilang mga pamilya. Mariin kong kinokondena ang pagpapasabog na naganap sa Katedral ng Birhen ng Mount Carmel at nakikiisa ako sa panawagan para sa masusi at mabilisang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga may pakana nito.
Comments are closed.