KARAHASAN SA LANSANGAN

KAHIT hindi naman tag-init o summer, tila nagiging mainitin ang ulo ng mga motorista ngayon.

Dala marahil ito ng pabago-bagong klima o climate change.

Kaya tumataas ang insidente ng road rage.

Madaling uminit ang ulo ng mga motorista at mas maikli ang pasensiya.

Sabagay, kahit sino ay iinit ang ulo at mabubuwisit dahil umaga pa lang, mistulang mahabang parking lot na ang mga pangunahing lansangan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Dito naman nasusukat kung gaano kapasensiyoso ang mga motorista.

Sinasabayan pa ng sangkaterbang bastos at walang disiplinang tsuper.

Wala na ngang galang sa batas-trapiko, binabalewala pa ang karapatan ng kapwa motorista.

Parang sila lang ang may karapatan sa kalsada.

Tulad na lamang nitong arogante at asal sangganong dating pulis na si Wilfredo Gonzales na binatukan at kinasahan ng baril ang isang siklista sa Welcome Rotonda, Quezon City kamakailan.

Kahit retirado na sa serbisyo si Gonzales, nadungisan pati ang imahe ng Philippine National Police (PNP).

Maging si Quezon City Police District (QCPD) Dir. PBGen. Nicolas Torre III ay nadamay sa insidente kaya nag-resign ito.

Inakusahan kasi ni Atty. Raymond Fortun ang mga tauhan ni Torre na pinuwersa raw ang siklistra para pumirma sa isang agreement habang sinasabing pinagbayad pa ito ng P500 dahil sa nagasgasang sasakyan ng dating pulis.

Kalaunan, inamin ng tanggapan ni Supreme Court Associate Justice Ricardo Rosario na tauhan niya pala si Gonzales na aniya’y agad ding sinibak matapos ang nangyaring road rage.

Co-terminus employee daw ni Rosario si Gonzales.

Ayon kay Wilhelmina Aileen Mayuga, judicial staff head ni Rosario, hindi kinukunsinti ni Rosario ang anumang uri ng karahasan at mapang-abusong pag-uugali.

Samantala, nasundan naman ito ng isa pang road rage sa Osmeña Highway, Barangay Pio Del Pilar, Makati City na kinasangkutan ng isang aktibong pulis at isang nagpakilalang ahente ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Naging dahilan ito para suspindehin ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license nina Police Staff Sgt. Marsan Dolipas at Angelito Rencio.

Nagpalabas din ito ng Show Cause Order (SCO) kung saan inatasan silang sumailalim sa imbestigasyon at magsumite ng notarisadong affidavit o magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat panagutin sa tatlong paglabag o violations na kinabibilangan ng reckless driving at obstruction of traffic.

Madalas, ang mga kaparehong insidente ay nagsisimula sa isang simpleng gitgitan at kawalan ng pasensiya ng nagkairingang mga tsuper.

Nakalulungkot ang mga ganitong pangyayari sa ating bansa.

Bakit kailangang bumunot ng baril at magdulot ng takot sa publiko dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan sa simpleng gitgitan sa trapiko?

Talagang sobra nang umiiksi ang pasensiya ng ilan nating kababayang nagmamaneho na hindi naman dapat.

Kaakibat naman sana ng pagiging drayber ay dapat mayroong mahabang pang-unawa sa lahat ng sirkumstansiyang kinakaharap habang hawak ang manibela.

Dahil dito, napapanahon nang maghigpit ng Land Transportation Office (LTO) sa pagbibigay ng lisensiya.

Hindi rin dapat basta-basta nag-iisyu ng linsensiya ng baril ang Philippine National Police (PNP).

Mahalaga ang masinsinang pagsasailalim sa medical examination at iba pang uri ng pagsusuri sa mga iniisyuhan ng lisensiya para masigurong may kapasidad silang humawak ng baril o manibela.

Higpitan pa ang pagpapatupad ng mga batas na may kaugnayan sa pagmamaneho at iba pang batas-trapiko upang mabigyan ng leksiyon ang mga pasaway na motorista na init ng ulo ang pinaiiral sa kalsada sa halip na diplomasya.