QUEZON- PATAY ang limang pasahero ng “tuk-tuk” habang apat na iba pa ang nasugatan matapos na magkabanggaan ang tatlong sasakyan kahapon ng madaling araw sa Maharlika Highway sa bayan ng Lopez sa lalawigang ito.
Sa ulat ng Quezon Police, nabatid na ang tuk-tuk na minamaneho ni Julius Brin, 32-anyos ay bumibiyahe bandang alas-2:10 ng madaling araw patungong Albay nang mabangga ito mula sa likuran ng isang trak na minamaneho ni Ernesto Alberto, 51-anyos sa isang bahagi ng highway sa Barangay Canda Ilaya.
Biglang nagliyab ang tuk-tuk at nabangga ang likurang bahagi ng pampasaherong bus na minamaneho ni Amor Pedrogosa, 47-anyos na tumatakbo sa unahan.
Nagliyab din ang bus, ngunit walang namang nasaktang mga pasahero nito.
Matapos ang banggaan, nahulog ang naliligaw na trak at sumadsad sa kanang bahagi nito sa gilid ng kalsada.
Base sa ulat, ang apat na pasahero ng tuk-tuk na sina Cheska Jucares, 28-anyos; Riza Brin, 25-anyos at dalawang lalaki na sina Jasper at Jarid na agad namatay dahil sa matinding paso sa kanilang mga katawan, samantalang si Jaymart Lunas ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Ang driver ng Tuk-tuk na si Brin at tatlo sa kanyang mga pasahero na sina Leopoldo Brin, 57-anyos at dalawang batang babae na sina Julia at Jamella (parehong menor de edad) ay nagtamo ng mga pinsala at kasalukuyng naka-confine sa ospital.
Ayon sa pahayag ni Lt.Col. Dandy Aguilar, chief of police ng Lopez Police na ayon sa salaysay mula sa driver ng bus na mabilis na bumaba ang 40 pasahero nito bago kumalat ang apoy sa loob ng sasakyan.
Ani Aguilar, pawang miyembro ng pamilya at residente ng Antipolo City ang mga pasahero ng tuk-tuk na patungong Albay para magbakasyon.
Samantalang, ang driver ng trak ay nasa kustodiya ng Lopez Police Station habang patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat na naganap na insidente.
EVELYN GARCIA