BULACAN-DEAD on arrival sa pagamutan ang dalawang tumatawid habang sugatan ang apat na iba pa sa naganap na banggaan ng apat na sasakyan sa bahagi ng Bypass Road ng Pulilan via Baliuag sakop ng Brgy, Dulong Malabon sa bayan ng Pulilan.
Sa inisyal na ulat, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Erica Lay Tapang, 14-anyos at Ma.Cristina R Caparas, 18-anyos, habang sugatan naman ang driver at pasahero ng tricycle na sina Rj Reyes, 30-anyos; Lilibeth Pascual, 52-anyos; Imelda Reyes, 52-anyos at Isagani Santos, 55-anyos mula sa Dulong Malabon.
Bahagyang nasugatan din ang driver ng kulay puting Hino Passenger Van na may plakang NBD 9398 na si Marvin Caracter y Lopez, 34-anyos, residente ng Digumased, Dinapigue, Isabela at dinala rin sa ospital ang driver ng Isuzu truck na may plate number UGG 780 na si Adrian Tapang y Aviador, 21-anyos, binata ng Brgy. Dulong Malabon.
Habang ang driver ng Honda Brio Hatchback na may plakang ABJ-2935 na si Pascual Carillo y Leonardo, 64-anyos ng Brgy. Longos, Pulilan ay nasa kostudiya ng PNP.
Nabatid na patungo sa Baliwag ang 3 sasakyan nang makabanggaan nito ang Isuzu truck at kotse kung saan nahagip ng naturang mga sasakyan ang dalawang tumatawid sa nabangit na lugar.
Ganap na alas-1:23 ng hapon nang maganap ang aksidente nitong Lunes na dahil sa bilis ng kotse at isuzu truck ay tinamaan nito ang isang tricycle at passenger van.
Samantala sasampahan ng kasong Multiple Homicide, Multiple Serious Physical Injuries and Multiple Damage to Properties ang driver ng kotse at truck. THONY ARCENAL