KARAMBOLA NG MGA SASAKYAN: 4 PATAY

SOUTH COTABATO- APAT katao ang nasawi sa naganap na karambola ng mga sasakyan sa National Highway ng Polomolok sa lalawigang ito kamakailan.

Ayon sa Polomolok Municipal Police Station, apat ang nasawi nang magkabanggan ang isang pick-up truck, Isuzu forward truck at motorsiklo .

Bagaman agad na nadala sa pagamutan ang mga sugatan kasunod ng naganap na karambola ng tatlong sasakyan ay nasawi rin ang apat na sakay ng pick-up truck.

Bukod dito, ayon sa pulisya ay malubha rin nasugatan ang driver at isa pang pasahero ng pick-up.
Samantala, bahagyang sugat at galos lamang ang natamo ng driver ng motorsiklo dahil nakatalon ito nang makitang patungo na sa kanyang direksyon ang forward truck.

Base sa inisyal na report ng Traffic Management Unit (TMU) ng bayan ng Polomolok, mga taga Arakan, Cotabato Province ang sakay ng pick-up truck na nagmula sa Koronadal City, South Cotabato patungo sa direksyon ng General Santos City.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na nag-abot ang dalawang sasakyan nang sapitin nila ang isang intersection ng nasabing highway kung saan sumalpok umano ang pick-up forward truck na papasok ng Barangay Bentung Sulit.

Sa pahayag ng TMU Polomolok, dahil sa lakas ang impact ay tumagilid ang forward truck habang nagkayupi-yupi naman ang pick-up truck.

Nasa kustodiya ngayon ng Polomolok Municipal Police Station ang driver ng forward truck. VERLIN RUIZ