(ni CYRILL QUILO)
TUMITINDI na ang init ng panahon kahit na hindi pa idinideklara ng PAGASA na summer o tag-init na. Sa tuwing sasapit ang tag-init, maraming sakit ang nakukuha. May mga sakit sa balat, tonsillitis, heat stroke at marami pang iba. Marami rin ang inaatake sa puso dahil sa tumataas ang blood pressure dahil sa tindi ng init ng panahon. Ang sobrang init ay masyadong delikado sa mga taong may sakit na high blood at pati sa mga may edad na.
Upang maiwasan ang mga sari-saring sakit, dapat tayong maging handa at mag-ingat upang hindi tayo maging biktima ngayong tag-init.
Narito ang ilang mga karaniwang sakit ngayong tag-init at kung paano ito maiiwasan:
SORE THROAT
Karaniwan ang pagkakaroon ng sore throat kapag tag-init. Ang tawag dito ay acute inflammation o isang magaspang na pakiramdam sa lalamunan. Isa itong upper respiratory tract infection na sanhi ng virus o bacteria.
TONSILLITIS
Kapag ang tonsils natin ay nagkaroon ng impeksiyon at lumala, ito ay tinatawag na tonsillitis. Ito ay ang nasa likod ng ating lalamunan na nasa magkabilang gilid ng ating bibig. Ito ay mga bacteria rin na madalas mga bata ang nagkakaroon nito na tumatagal ng 4-6 araw.
LARYNGITIS
Kung ang iyong boses ay nagbabago, namamaos na parang husky, ito ay isang signal na ang vocal cords mo ay hindi na normal.
MGA SINTOMAS:
Ang mga sintomas nito ay ang dry cough, lagnat, sipon, ubo at pamamaos.
MGA DAPAT GAWIN:
- Uminom ng maraming tubig upang hindi ma-dehydrate
- Kumain ng mayaman sa bitamina upang malabanan ang sakit
- Palakasin ang immune system
- Mag-ehersisyo
HIGH BLOOD PRESSURE
Ang high blood pressure o hypertension ay isa at kilalang traydor na sakit. Isa itong sakit sa arteries.Wala itong gamot pero kaya itong makontrol.
Ang high blood presure ay isa sa tatlong major na sakit na kayang kontrolin upang hindi mauwi sa cardiovascular disease. Ito rin ay para maiwasan ang pagkasira ng bato o kidney at ilan pang future na problema.
Ang mga komplikasyon nito ay ang kidney at heart failure. Maaari ring ma-stroke at ma-heart attack.
MGA DAPAT GAWIN:
Para naman maiwasan ang high blood pressure, narito naman ang mga kailangang gawin:
Magbawas ng timbang. Pinaka-epektibo ito upang makontrol ang blood pressure
Mag-ehersisyo ng regular. Ang pagiging aktibo tulad ng pagbibisekleta, pagtakbo, paglakad, pag-zumba at pagsu-swimming ng 30 hanggang 60 minuto bawat araw ng 3-5 days a week ay malaking tulong sa ating kalusugan. Kaya naman, regular na mag-ehersisyo.
Kontrolin ang pagkain ng maalat. Kahit na sabihin mong sarap na sarap kang kumain, mainam pa rin kung kokontrolin ang pagkain lalo na ng mga pagkaing matataba, maaalat at matatamis. Iwasan din ang pagkain sa fast food chains o sa labas.
Limitahan ang alcohol. Ang sobrang alcohol ay nakapagpapataas din ng blood pressure. Kaya namanb iwasan ang sobrang pag-inom ng alcohol.
Kumain ng pagkaing mayaman sa potassium. Dagdagan din ang potassium sa katawan. Ang prutas at gulay ay mainam na pinagkukunan ng po-tassium.
Iwasan ang paninigarilyo. Isa naman ang paninigarilyo sa nagiging sanhi ng sakit sa puso. Kaya’t hangga’t maaari ay iwasan ito.
HEAT STROKE
Heat stroke ang isa pa sa mga sakit na pinakakaraniwan na may nakababahalang epekto sa kalusugan. Kahit sino ay maaaring maging biktima nito. Wala itong pinipiling edad.
Ilan sa sintomas nito ay ang mainit na balat, natutuyo at namumula. Pagkalito, halusinasyon, pagkaagresibo o pagiging mainitin ang ulo at marami pang iba.
Isa sa simpleng paraan para maiwasan ang heatstroke ay ang pag-inom ng maraming tubig at ang pag-iwas sa mainit na sikat ng araw. Huwag ding maglalagi sa masisikip na lugar.
Sa panahong nagkalat ang sakit sa paligid, mainam ang maging handa at maingat. (photo credits: Google)
Comments are closed.