KARAPATAN NA MAMILI NG NAGBIBIGAY SERBISYO SA KOMUNIDAD

MAY kagandahan ang tinatawag na ‘free market’ o isang sistema sa larangan ng ekonomiya kung saan ang presyo ng bilihin o pagbibigay serbisyo ay natutukoy sa pamamagitan ng malayang kompetisyon sa merkado sa kalakaran.

Dahil dito ay naglalaban-laban ang mga negosyo upang magbigay ng pinakamura at mainam na halaga ng serbisyo sa kanilang mga customer. Sa madaling salita, panalo ang consumer dito.

Kaya naman noong napag-alaman ko ang bagong programang inilunsad ng Energy Regulatory Commission (ERC), sa pakikipagtulungan ng University of the Philippines at Meralco na tinatawag na Retail Aggregation Program, nagkaroon ako ng interes upang talakayin ito sa aking kolum.

Batay sa kasunduan, pinapayagan ang UP campus na magkaroon ng kapangyarihan na mamili ng provider nila sa koryente. Puwede na silang direktang makipag-usap sa kahit na sino sa mga power provider sa ilalim ng retail electricity suppliers (RES) upang makahanap sila ng bagsak-presyo na koryente.

Ang pakay ng Retail Aggregation Program ay upang magkaroon ng freedom of choice na nagbibigay sa kanila ng murang koryente. Ito ay isang pilot program ng ERC upang makita kung sa pangkalahatan ay mas makatitipid ang mga konsyumer na sa kasalukuyan ay medyo naghihigpit ng sinturon dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin.

Paliwanag ng ERC na ang Retail Aggregation Program o Retail Aggregation Rules ay isang standardized rules and procedures para sa “aggregation of electricity requirements of end-users in the Competitive Retail Electricity Market (CREM).” Napaka- teknikal ba?!

Ang ibig sabihin nito ay maaaring mag-grupo ang mga consumer (tulad ng UP campus) upang magbuo ng isang aggregate group na maaaring makipagtransaksiyon sa kahit na sinong electricity service provider.

Kung ating ihahambing ito sa ordinaryong pamumuhay, maaari nang lumibot, maghanap at tumawad ng pinakamura at sariwang isda sa palengke. Ganito ang prinsipyo ng Retail Aggregation Program, koryente nga lang ang pinag-uusapan dito.

Ayon sa ERC, mas magiging competitive ang merkado sa koryente dahil hindi nakasisiguro ang mga electricity provider na sila ang kukunin ng mga tinatawag na aggregate group bilang supplier ng kanilang koryente. Kailangan ay ibagsak nila ang kanilang presyo.

Nilinaw rin ng ERC na ang Retail Aggregation Rules ay kinabibilangan ng mga stakeholders sa supply chain. Sila ay ang:
End-users
Retail Electricity Suppliers (RES)
Local Retail Electricity Suppliers (Local RES)
Distribution Utilities (DUs)
Suppliers of Last Resort (SOLR)
National Grid Corporation of the Philippines (NGCP)
Central Registration Body (CRB)
All other relevant industry participants, as applicable.

Samantala, ang maaaring mapaloob bilang aggregate group ay ang mga sumusunod:
Subdivisions
Villages
Business Districts
Special Economic Zones
Condominium buildings
Commercial establishments such as malls
Mixed-used development complexes
Such other geographical areas where similarly situated end-users are located in which supply of electricity can be measured through metering

Nagpasalamat si ERC chairperson Agnes Devanadera sa UP at Meralco sa paglahok sa nasabing pilot project. “The ERC would like to thank the UP and MERALCO for their initiative in making possible this pilot implementation. This pilot will help promote Retail Competition and Open Access,” sabi ni Devanadera.

O, ayan. Sana ay maski papaano ay naipaliwanag ko ang magandang balita na ito para sa ating mga konsyumer ng koryente. Karamihan naman sa atin ay nakatira sa subdivision, townhouse o condominium. Kapag matagumpay ang nasabing pilot project ng ERC, maaaring hudyat na ito upang mahikayat tayo na mapasailalim sa tinatawag na aggregate group at makahanap tayo ng pinakamurang presyo ng koryente na gagamitin natin. Ayos!