NOONG Biyernes, July 12, ay ginunita ang ika-8 anibersaryo ng 2016 arbitral award sa Pilipinas ng binuong tribunal mula sa 1982 Law of the Sea Convention.
Alinsunod sa arbitral ruling, dapat kilalanin ng China ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at maging ang yamang dagat sa ilalim ng pinag-aagawang teritoryo ay sa Pilipinas.
Ang Pilipinas ay susunod sa ruling ng international law at bilang pagkilala sa nasabing award, tiniyak ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na kanilang iingatan ang WPS at pahahalagaan ang Exclusive Economic Zone.
Pangangalagaan din ng pamahalaan ang sovereign rights sa WPS kasama na ang yamang dagat.
Titiyakin din ng pamahalaan na tanging Pilipino lamang ang makikinabang sa yamang dagat na nasa ilalim ng WPS.
Habang ang pagsusumikap na pangalagaan ang karapatan, ang pagkilala sa arbitral ruling ay pakikinabangan ng Pilipino, hindi lang ngayong panahon, kundi sa mga susunod na henerasyon.