KAYSARAP kumain at kaysarap ding mag-imbento ng mga kakaibang lutuin. Mga pagkaing bukod sa kakaiba ay hindi mo pa mapalalampas dahil sa linamnam na naglalaro sa iyong lalamunan sa tuwing nilalantakan mo ito.
Kaligayahan nga naman ang dulot sa atin ng pagkain. Pansinin na lang natin, kapag inis tayo o malungkot sa pagkain tayo tumatakbo. Naghahanap tayo ng masarap na pagkain. Basta’t kain tayo nang kain. At sa pamamagitan nga ng pagkain ng mga gusto nating putahe o desserts, naiibsan naman ang lungkot at inis natin. Hindi rin naman tayo mabubuhay kung walang pagkain sa ating harapan. Marami nga ang nagwawala kapag gutom.
Sa lungkot man o ligaya, hindi nawawala ang pagkain. Ito ang karamay o kasa-kasama natin. Ang problema pa naman, hindi lang basta pagkain ang gusto natin kundi naghahanap tayo ng kakaiba at masasarap.
Hindi talaga puwedeng mawala ang pagkain sa ating harapan. Hindi puwedeng mawala ang mga nakasanayan nating putahe sa ating pang-araw-araw na buhay.
Samu’t saring pagkain ang patuloy na nadidiskubre sa panahon ngayon. Napakarami na ring pagkain na masasabi nating kakaiba pero kung lasa lang din ang pag-uusapan, hinding-hindi sila magpapahuli. At isa nga sa napakasarap tikman lalo na sa mga mahihilig sa pasta at kare-kare ay ang kare-kare pasta.
Bago ba ito sa pandinig mo?
Matagal nang nauso ang kare-kare pasta. Marahil ay dahil sa hilig ng marami sa pasta at kare-kare kaya’t nagawa ang recipe o pagkaing ito.
Lahat nga naman ng gusto nating kainin, puwedeng-puwede nating gawin. At isa ang kare-kare pasta sa kakaiba at kahihiligan ng marami sa atin. Kung ayaw mo nga namang kumain ng kanin pero hindi mo mapigil ang sarili mong kumain ng kare-kare, aba, okey na okey ang kare-kare pasta. Tiyak na uulit-ulit ka sa sarap. Tiyak ding kagigiliwan ito ng iyong buong pamilya.
Masasabi nga naman nating hindi lang sa kanin swak na swak i-partner ang kare-kare dahil puwedeng-puwede rin itong gawing sauce sa pasta.
Kaya naman, sa mga mahihilig diyan sa kare-kare at pasta, bakit mo pa kailangang mag-isip kung alin sa dalawa ang kakainin mo kung puwede namang pareho.
Kaya sa mga hindi pa ito nasusubukan, i-try na at tiyak na mag-e-enjoy kayo habang pinagsasaluhan ninyo ang kare-kare pasta. Puwede mo rin namang i-upgrade ang iyong simpleng kare-kare pasta para maging Cheesy Kare-kare Pasta with Corned Beef Flakes.
Napakarami rin nating bersiyong magagawa sa kare-kare pasta. Kaya kung may leftover kare-kare sauce kayo, gawin n’yo nang kare-kare pasta. Hindi pa nasayang, nakapaghanda ka pa ng kakaibang pagkain sa iyong pamilya.
KARE-KARE PASTA WITH CORNED BEEF FLAKES RECIPE:
Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang kare-kare sauce, corned beef, cooking oil, bagoong at pasta.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang kakailanganing sangkap. Pagkatapos ay lutuin ang pasta ayon sa instruction.
Sa isang lutuan, ihanda ang kare-kare sauce. Puwede rin namang gamitin ang leftover kare-kare sauce kung mayroon kayo. Kung wala naman, puwede kang gumamit ng kare-kare mix. Mainam din naman kung gagawa ka mismo ng kare-kare sauce nang mas mapasarap mo ang iyong lulutuin.
Pakuluin lang ang ginawang sauce at itabi muna. Sa isang lutuan, maglagay ng mantika at painitin ito. Ilagay ang corned beef at lutuin hanggang sa maging flakes ito.
PARA NAMAN SA PAGHAHANDA:
Ilagay sa serving plate ang pasta at buhusan ng kare-kare sauce. Sa ibabaw, lagyan ito ng bagoong. Ilagay naman sa gilid ng kare-kare pasta ang corned beef flakes.
Ganoon lang kadali at maaari mo nang ma-enjoy ang kare-kare pasta kasama ang mga kaibigan at kapamilya. (photos mula sa pepper.ph at cheeseanything.com) CT SARIGUMBA
Comments are closed.