KAREN, KIRAM SA TOPS USAPANG SPORTS

DALAWANG babaeng lider mula sa sports na tunay na nagbibigay dangal sa bayan ang panauhin sa ika-127 edisyon ng “Usapang Sports on Air” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ngayong Huwebes, alas-10 ng umaga.

Inaasahang magbibigay ng kanilang pananaw hingil sa katayuan ng sports at paghahanda para sa nalalapit na international competition tulad ng Southeast Asian Games sina Pilipinas Sepak Takraw Federation Inc. (PSTFI) president Karen Tanchanco-Caballero at Philippine Pencak Silat Association (PHILSILAT) head Princess Jacel Kiram.

Bukod sa sepak, bahagi rin ng Philippine Olympic Committee (POC) Board si Caballero bilang Deputy Secretary-General at unang babae na nahalal na Vice President sa Asian Sepak Takraw Federation (ASTAF), habang si Kiram ay matagumpay na naitaas ang status ng pencak mula nang palitan ang ngayo’y sports commissioner na si Celia Kiram. Kapwa kabilang ang dalawang sports sa SEAG calendar sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 2022.

Hiniling ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight sa mga opisyal at miyembro, gayundin sa sports writing community na makilahok sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Games and Amusements Board (GAB). EDWIN ROLLON