ISABELA – PATAY ang isang motornaper habang dalawa naman ang nakatakas matapos na makipagbarilan sa mga kagawad ng Tumauini Police dakong alas-9:00 ng gabi sa Barangay San Mateo, Tumauini.
Ayon sa PNP-Tumauini, isang tawag ang kanilang natanggap mula kay Jhon Donato na umano’y may tatlong kalalakihan ang tumangay sa kanyang motorsiklo na MC Honda TMX-155 na may plakang 7087-QQ.
Ayon kay Donato, lulan ng isang motorsiklo ang tatlong suspek nang agawin sa kanya ang motorsiklo. Ang isa sa suspek ay nakasuot ng kulay rosas at denim na pantalon, at ang isa ay naka-jacket ng itim.
Kaagad na nagkasa ng operasyon ang PNP-Tumauini kung saan ay inabutan nila ang tatlong suspek sa isang gasolinahan sa Barangay Maligaya, Tumauini, Isabela.
Natunugan naman ng mga suspek ang mga pulis kaya agad na pinaputukan ang parating na mga kagawad ng pulisya kung saan ang mga ito ay gumanti at tinamaan ang isa sa mga suspek na sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala.
Narekober ang isang cal. 38, tatlong live ammunitions, 2 basyo ng bala at isang sachet ng umano’y shabu at nasa tabi ng bangkay ang ninakaw na motorsiklo. IRENE GONZALES