NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang Department of Agriculture (DA) sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at National Meat Inspection Service (NMIS) na nakasasakop sa mga lugar kung saan napaulat ang pagtaas ng bilang ng mga namatay na baboy.
Ito ay upang matiyak na hindi makalalabas at maibebenta sa merkado ang karne ng mga namatay na baboy.
Ayon kay Bureau of Animal Industry (BAI) officer-in-charge Dr. Ronnie Domingo, isa ito sa mga isinasagawang control measures ng ahensiya.
Gayundin ang pagpapatupad ng quarantine at culling sa mga babuyan na nakapagtala ng mataas na pagkamatay ng mga alagang baboy.
Una na rin aniyang bumuo ng crisis management team ang DA na siyang maingat na hahawak sa usapin hangga’t hindi pa nakukumpirma kung anong klase ng animal disease ang tumama sa mga alagang baboy sa ilang lugar sa bansa.
Dagdag ni Domingo, nakapagpadala na rin ang DA ng mga sample sa tinukoy na reference laboratory ng World Organization for Animal Health na makapagbibigay ng pinal na pahayag sa sakit na dahilan ng pagkamatay ng ilang mga baboy sa bansa.
Comments are closed.