KARNENG BABOY SUMIPA ANG PRESYO

Karneng baboy

TUMAAS ang presyo ng karneng baboy sa P240 ang  kada kilo sa isang palengke sa Maynila na higit pa umano sa dapat nitong presyo.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), nag-ikot sila sa Pritil Public Market at nalaman nilang naglalaro sa P240 hanggang P260 ang bentahan sa kada kilo ng baboy.

“Mula P175 hanggang P190 lang dapat ang presyo ng kada kilo ng baboy, na may farm-gate price na P95,” lahad ng DTI.

“Masyadong disadvantageous sa consumers. Mas malaki ang patong,”  sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Nanawagan si Castelo sa pamahalaang lokal na tumulong para maibaba ang presyo ng baboy.

“Hindi nakatutuwa na masyado silang nagsasamantala sa consumers,” aniya.

Ayon naman sa mga nagtitinda ng baboy sa palengke ay mataas ang bigay ng supplier kaya hindi nila mapababa ang presyo.

Nanawagan din ang Pork Producers Federation of the Philippines, isang samahan ng pork producers, sa mga supplier at nagbe-benta ng baboy na huwag itaas ang presyo, lalo at matumal nga­yon ang bentahan dahil sa pangamba sa African swine fever.

Ini-report din ng DTI na sa kanilang pag-iikot, wala namang nakitang paggalaw sa presyo ng manok, na nasa P165 hanggang P180 kada kilo pa rin.

Wala rin umanong paggalaw sa pres­yo ng bigas.

Higit 120 kilo ng manok na nagkakahalaga ng P21,000 naman ang kinumpiska ng National Meat Inspection Service sa Pritil Public Market dahil sa kawalan umano ng certificate.

Pasok naman sa suggested retail price ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa isang supermarket sa Tondo, kasama ang mga kandila, na mabenta habang papalapit na ang Undas.