PART 1
UNA sa lahat, nais kong linawin na hindi ako mahilig sa sugal. Hindi pa ako nakapasok sa casino upang maglaro. Hindi ako mahilig magbaraha o maglaro ng mahjong. Subali’t may alam ako ng kaunti sa mga simpleng sugal baraha tulad ng Black Jack, Lucky 9 at Pares-Pares. Hindi ko alam ang larong Poker o Pusoy.
Tulad ng nabanggit ko, may alam ako ng kaunti sa Black Jack. Nguni’t aaminin ko na mahina ako sa diskarte kapag sugal ang pag-uusapan. Ang pinakamataas na numero sa Black Jack ay 21. Sumobra ka roon, basted ka. Maliban lang kung ang makuha mo ay Hari at Alas, walang tatalo sa ‘yo. Dalawang baraha lang ang unang ibibigay sa ‘yo at may tatlong pagkakataon ka na humingi pa ng baraha basta’t hindi sosobra sa 21 ang bilang ng nakalagay na mga numero sa iyong baraha. Kung makalimang baraha ka at hindi lumagpas ng 21, panalo ka. Ang tawag diyan ay “5 Cards”. Kaya kung ang baraha mo ay nasa 18, 19 o 20…good ka na riyan. Umasa ka na lang na mas mababa ang baraha ng kalaban o sumobra sa 21 ang bilang sa susunod niyang hirit.
Nais kong ihambing ang paksa ko ngayon sa sugal na Black Jack. Ang mga survey na lumalabas tungkol kay Pangulong Duterte mula nang siya ay nanungkulan ay isa na sa pinakamataas na satisfaction rating ng sino mang pangulo pagkatapos ng 1986 EDSA Revolution. Matapos ang dalawang taon ng kanyang termino, maaring masabi na hindi gaanong malaki ang ibinaba ng satisfaction rating niya. Bagama’t marami pa rin ang bumabatikos sa kanya sa istilo ng kanyang pamamahala na kamay na bakal at medyo sangganong pananalita.
Subali’t itong mga nakaraang araw, tila nalalagay sa malaking hamon ang popularidad ni Duterte sa sunod-sunod na mga talumpati niya sa publiko. Tanggap pa rin naman ng mayorya ng ating mga mamamayan ang kanyang kampanya laban sa ilegal na droga, korupsiyon at kriminalidad. Ako mismo ay tinatanggap ko ang kanyang adhikain na magkaroon tayo ng ‘peace and order’ sa pamamagitan ng agresibong pagsasakapatupad ng mga batas laban sa kriminalidad.
Ganun din sa batas trapiko. Panahon naman talaga na unawain at tanggapin ng sambayanan ang kawalan ng disiplina sa iba nating kapuwa Filipino. Ito ang naging resulta ng kasalukuyan na katayuan ng ating bansa…napag-iiwanan ng mga kapitbahay natin sa ASEAN sa larangan ng ekonomiya at kalidad ng kabuhayan.
Ang tinutukoy ko ay ang opinyon ni Duterte tungkol sa ating Diyos. Mukhang karamihan ng ating mga Kristiyano ay hindi nagustuhan ang sinabi ni Duterte na istupido ang ating Diyos. Marami ang naalarma rito. Kaliwa’t kanan ang bumabatikos sa kanya. Ang Palasyo ay hindi magkanda-ugaga sa pagpapaliwanag ng disposisyon ng ating presidente. Ultimong ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ay nagpaliwanag sa social media na huwag paniwalaan ang interpretasyon ng kanyang ama sa nakasulat sa Bibliya. Opinyon niya iyon at hindi repleksyon ng kanyang sinserong adhikain na ayusin ang ating bansa. Kung lalawakan lamang natin ang ating pag-iisip, ang kanyang batikos ay nakatuon sa mga pari ng Simbahang Katolika at hindi sa pangkalahatang mananampalatayang Kristiyano. Alam naman natin na matagal na ang hindi pagkakaintindihan ni Duterte sa mga pari ng Simbahang Katolika. Simula’t sapul pa lang ay binabatikos na ni Duterte ang Simbahang Katolika. Marahil ito ay bunsod sa bukas na pangangampanya ng Simbahang Katolika laban kay Duterte noong panahon ng eleksiyon. Subalit karamihan sa mga Filipinong Katoliko ay hindi nakinig sa kanilang payo. Nakakuha si Duterte ng pinakamataas na boto ng sambayanan noong 2016. Sabi ko nga, tanggap ng mayorya ng Filipino si Duterte. Malinaw ang mensahe na naghahanap ang sambayanan ng isang taong mamumuno sa atin na matigas, matapang at may kamay na bakal. Nagsawa na ang ating bayan na pinamunuan ng traditional politicians na magaling lamang sa salita nguni’t mali naman ang ginagawa.
Bukas ay tatalakayin ko ang baraha ng ating Pangulo kung ito ay ihahambing sa larong Black Jack.
Comments are closed.