(Kartel, hoarders, profiteers tutukan – consumer group)WALANG PROBLEMA SA SUPLAY NG PAGKAIN SA PH

HINDI problema ang suplay ng pagkain sa bansa, bagkus ang nagpapahirap sa buhay ng mga pamilyang Pilipino ay ang kartel, hoarders at profiteers na silang nagtatago sa naaning agricultural products at nagmamanipula sa presyo nito sa merkado, ayon sa isang consumer group.

Kasabay nito, nanawagan ang Malayang Konsyumer (MK) sa Senado para sa agarang pag-apuba sa Senate Bill 1688 na inihain ni Senador JV Ejercito, na naglalayong amyendahan ang RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Ayon kay Atty. Simoun Salinas, tagapagsalita ng grupo, sa ilalim ng Senate Bill 1688 ni Ejercito, ang mga nasa likod ng hoarding, profiteering, kartel at iba pang pang-aabuso sa merkado ng agri products ay ituturing ding isang uri ng economic sabotage, na papatawan ng mas mabigat na kaparusahan.

Kung sinusuportahan nina Salinas ang panukalang ito ni Ejercito, mariin naman nilang tinututulan at tahasang sinabi na dapat ibasura ang bersiyon ni Senador Lito Lapid na pagbabago sa RA 10845.

Sa Senate Bill 1812 na iniakda ni Lapid, nais niyang maisama ang tabako at cigarette products sa hanay ng mga produktong agrikultura na mahigpit na babantayan sa ilalim ng nasabing batas.

Giit nina Salinas at MK Convenor Christian Real, ang mga amyenda sa Anti-Smuggling Law ay naglalayong mapabuti ang pagpapatupad niito, subalit dapat ay nakatuon sa mga pagkakasala kung saan direktang apektado ang mga Pilipinong mamimili.

“Ang panukala ni Sen. Ejercito ang siyang nagbibigay ng kongkretong batayan sa batas. Habang ang panukala ni Sen. Lapid ay may ibang layunin. Hindi ito makatwiran, hindi napapanahon, at hindi nakatutulong sa mga konsyumer ng pagkain. Ang tabako ay nasa kategorya ng mga non-essential, non-food product na hindi karapat-dapat sa proteksiyon ng batas sa ilalim ng RA 10845,” giit pa ni Atty. Salinas.

Paalaala ni Real, “ang smuggling ng mga pangunahing pagkain ay malaking problema, ngunit hindi ito ang tanging problema na dapat nating atupagin.”

“May supply ka nga itinatago naman at ipinagkakait sa merkado. Hindi nga smuggled ang food items, pero ang mahal naman ng presyo dahil kontrolado ng cartel at ng mga mapagsamantala at ganid na grupo,” pahayag pa niya. “Kaya kailangan nating amyendahan ang batas upang parusahan ang mga iba pang pagkakasala. Habang ginagawa natin ito, huwag nating haluan ng mga kung ano-anong produkto tulad ng tabako at sigarilyo na walang lugar sa RA 10845,” dagdag ni Real.

ROMER R. BUTUYAN