(Kasabay ng lockdown dahil sa pandemya) RECESSION: PH ECONOMY SUMADSAD

ATTY HARRY ROQUE

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Malacañang sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa na nauwi sa recession sa unang pagkakataon sa loob ng halos tatlong dekada.

Ang ekonomiya ng bansa ay sumadsad ng 16.5% sa second quarter ng taon o mula Abril hanggang Hulyo, kasabay ng lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Nangyayari ang recession kapag parehong negatibo ang paglago ng isang ekonomiya sa magkasunod na quarter.

Noong first quarter ay bumaba rin sa  0.7 percent ang ekonomiya ng bansa.

Ang huling pagkakataon na dumanas ang Filipinas ng dalawang magkasunod na quarters ng economic contraction ay noong 1991.

“We are concerned by the steep drop which is much worse than what our government economists had expected,” pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque.

“The Philippines, we underscore, is not the only nation facing this economic situation. COVID-19 has had an adverse economic impact on countries like Singapore, Indonesia, the United States, France, Spain, and Mexico.”

Sinabi ni National Statistician Claire Dennis Mapa na, “The decline was partly because of the lockdown. You’re seeing drop in the sectors. We’re seeing that because of the April, May lockdown. That’s the data we’re receiving.”

Magugunitang noong Marso ay nagpatupad ng lockdown sa Metro Manila at maraming bahagi ng bansa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Kalaunan ay nagluwag na ang pamahalaan para masagip ang naghihingalong ekonomiya ng bansa.

Sinabi ng Malakanyang na bumalangkas na ang economic managers ng pamahalaan ng economic recovery program para labanan ang mga epekto ng pandemya sa mga negosyo at kabuhayan.

“We have likewise recalibrated our budget for next year and restarted our Build, Build, Build programs, subject to health and safety protocols, to create jobs,” wika ni Roque.

Iginiit din ni Roque ang panawagan ni Presidente  Rodrigo Duterte sa Kongreso na ipasa na ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act, na nagtatakda ng economic relief package, at ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act.

“Our resolve to recover at the soonest possible [time], however, remains strong,” ani Roque. “We assure everyone that the government will continue working round the clock to strengthen our resilience and bring us back to the path of inclusive growth.”

Comments are closed.