KINUMPIRMA kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nila tinatantanan ang pagtukoy sa mga kasabwat ng pinatalsik na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa ginawa niyan pagtakas palabas ng Pilipinas.
“Hindi rin po kami naniniwala na walang kasabwat even official or private person na tumulong kay Alice para makalabas,” pahayag ni NBI Director Jaime Santiago sa pagdalo nito sa Pulong Balitaan ng Manila City Hall Reporters Association (Machra) na ginanap sa Harbor view.
Ayon kay Santiago inaalam na rin ng NBI kung may mataas pang opisyal bukod kay Guo ang sangkot POGO dahil nang pumutok umano ang isyung ito ay marami nang tumutulong sa kanya at nagbibigay ng payo.
“Sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na meron mga nagpoprotekta sa kanya, maaaring government official ngayon, siyempre ho sukob na si Alice kaya sinabi nga ni Alice na may tumatawag sa kanya sa telepono na patatahimikin siya para huwag nang kumanta. Ayun nga ho, yun pong threat sa kanya hindi po namin ipinapawalang-bahala yun. So, pinoproteksyunan siya nang maigi ng PNP kung saan siya ay naka-custody ngayon,” dagdag pa ni Santiago.
Kaugnay nito,sinabi ni Santiago na nahihirapan silang makakuha ng impormasyon kay Guo Kung paano ito nakalabas ng bansa dahil palaging may nakabantay itong abogado.
Base sa pahayag ni Guo, sumakay sila sa maliit na barko tapos ay sa malaking barko at ang impormasyon lamang na ibibigay niya ay may nakita siyang pakpak sa maliit na barko na sinakyan nila paalis sa Maynila.
Tingin ni Santiago, hindi nagsasabi ng totoo si Alice sa kanyang testimonya sa Senado kung pagtutugmain ang tatak na nakita sa kanyang pasaporte.
Nakatatak sa kanyang pasaporte na una itong dumating sa Kuala Lumpur noong Hulyo 18 at pumasok sa Sabah noong Hulyo 19.
Samantala, patuloy na hinahanap ng NBI ang kapatid ni Alice na si Wesley kahit na nagpadala na ito ng feeler na gusto na rin umano nitong sumuko.
VERLIN RUIZ