(Kasado na ngayong araw)P6.10/L ROLLBACK SA DIESEL; P5.70/L SA GASOLINA

OIL PRICE ROLLBACK

SA IKALAWANG sunod na linggo ay may pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Hulyo 12.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P5.70, diesel ng P6.10, at kerosene ng P6.30.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang rolbak ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-8:01 ng umaga sa parehong araw.

Ang pinakahuling rolbak ang pinakamalaki sa kasaluiuyan ngayong taon sa gitna ng patuloy na pagsirit ng global prices.

Noong nakaraang Martes, Hulyo 5, ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad ng P3 rolbak sa presyo ng kada litro ng diesel at P3.40 sa kerosene.

Sa monitoring ng DOE, ang presyo sa Metro Manila ay naglalaro sa P76.45 kada litro (Caloocan City) hanggang P98.40 kada litro (Muntinlupa City) para sa gasolina; mula P83.20 kada litro (Quezon City) hanggang P98.00 kada litro (Pasay City); at mula P89.74 kada litro (Manila) hanggang P99.14 kada litro (Taguig City) para sa kerosene hanggang noong Hunyo 30, 2022.

Samantala, sa datos ng DOE, ngayong taon, hanggang noong Hulyo 5, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P30.00 kada litro para sa gasolina, P42.90 kada litro sa diesel, at P36.35 kada litro para sa kerosene.