(Kasado na ngayong buwan)TAAS-SINGIL SA KORYENTE

TATAAS ang singil sa koryente ngayong buwan sa gitna ng pagsirit ng generation charge.

Ayon sa Manila Electric Company (Meralco), nasa 62.32 centavos ang dagdag-singil sa kada kilowatt hour (kwh) para sa January billing.

Katumbas ito ng P124 taas-singil sa mga kumokonsumo ng 200 kwh, P186 sa gumagamit ng 300 kwh, P248 sa 400 kwh at P310 sa kumokonsumo ng 500 kwh.

Ayon sa Meralco, ang mas mataas na generation charge at ang completion ng distribution-related refund ang nagtulak sa rate increase.

Napag-alaman na ang generation charge ay tumaas ng 33.16 centavos sa P7.1291 per kWh mula P6.7975 per kWh noong nakaraang buwan.

Gayundin ay tumaas ang singil mula sa Independent Power Producers (IPPs) ng 40.70 centavos per kWh dahil sa pagtaas ng paggamit ng mas mahal na alternative fuel ng First Gas Sta. Rita at San Lorenzo na resulta ng kakulangan ng suplay ng Malampaya natural gas.

Sa gitna ng power rate hike ay pinayuhan ng Meralco ang publiko na magtipid sa paggamit ng koryente.

“We are working closely with government to ensure we are able to explain and provide more detailed info on energy saving tips and energy efficiency to mitigate somehow ‘yong pagtaas ng presyo ng kuryente,” wika ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.