Kasado na ngayong Hunyo – TAAS-PRESYO NA NAMAN SA BILIHIN

MAY panibagong pagtaas sa presyo ng ilang pangunahing bilihin ngayong Hunyo.

Ayon sa Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), pasok sa mga magtataas ng presyo na 5 hanggang 10 porsiyento ang ilang brand ng sardinas, meat loaf, kape, evaporated milk, suka, asukal at instant noodles.

“Next month, iba na naman ang tataas. Siyempre, nagtitinginan sila. Ngayon, ibang brand, next month naman, ‘yong isa or huwag muna, kaininin muna natin market niya,” wika ni PAGASA President Steven Cua.

Aniya, magiging malaking hamon sa susunod na administrasyon kung paano pipigilan ang sunod-sunod na price hike sa mga bilihin sa gitna ng hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“We are afraid na mamaya, tumaas nang tumaas. ‘Di naman hyper pero runaway inflation,” sabi ni Cua.

“The worst is stagflation. May inflation na nagtataas bilihin, nag-stagnate pa economy,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na pinag-aaralan nila ang hirit na dagdag-presyo ng mga manufacturer ng mga produktong may suggested retail price (SRP).

“Siyempre dahil pataas nang pataas ang presyo ng fuel, pataas din ang presyo ng distribution nila. Marami pa kaming requests but we are all studying them,” ani Castelo.